Ang "hindi kaguwapuhan" na pisikal na anyo at ang pagbili ng pirated DVDs noong 2021 ang buwelta ni Senator Robin Padilla kay Ronald Llamas.
Si Llamas ay respetadong political analyst na nagbitaw ng maanghang na salita laban sa actor-politician.
Nagsilbi rin si Llamas bilang political adviser noong nanungkulan ang yumaong dating Pangulo Benigno Aquino III mula 2011-2016.
Patutsada ni Padilla, ipagdarasal daw niya si Llamas na magbago dahil baka-sakali raw maging magandang lalaki ang political analyst.
Read: Samantha Panlilio camp refutes allegations of Rhian's driver
RONALD LLAMAS ON ROBIN PADILLA-ELECTION CONNECTION
Nag-ugat ang mga pasaring ng senador mula sa sinabi ni Llamas sa panayam ng isang programa sa One PH noong Biyernes, Enero 30, 2026.
Sa interbyu, inilahad ni Llamas na malaki ang naitulong ni Padilla sa halalan noong Mayo 2025 dahil ang aktor ang dahilan ng pagkatalo ng mga artista na kumandidato sa eleksyon.
Binanggit din ni Llamas ang deklarasyon ng misis ni Padilla na si Mariel Rodriguez kung bakit hindi na kakanditato ang aktor sa halalan sa 2028.
“Hindi na raw tatakbo because we don’t deserve him,” ang umpisa ng pahayag ni Llamas.
Diretsahan ang mga sumunod na salitang binitiwan ni Llamas.
“Alam mo, malaking tulong si Sen. Robin Hood Padilla. Dahil sa kanya ay halos lahat ng artista na tumakbo last mid-term election, natalo.
“Ang laki ng tulong niya [at] kailangan natin siyang pasalamatan na ang mga botante ay hindi na name recall lamang, hindi na popularidad lamang ang magiging batayan ng kanilang pagboto.
“Dahil si Robinhood, nag-number one yan, e, nung tumakbo siya for the Senate."
Prediksyon pa ni Llamas: "Ngayon, pupusta ako, hindi na siya magna-number one."
Read: Claudine Barretto, nag-taping pa rin kahit pumanaw ang ina
ROBIN PADILLA CLAPS BACK
Ngayong Sabado, Enero 31, sinagot ni Padilla ang tingin niya'y "pangungutya" sa kanya ni Llamas.
Sabay nag-iwan si Robin ng malamang salita para kay Llamas.
"Tunay po na adbokasya ko ang paghalal ng hindi sikat, hindi mayaman, at hindi mula sa political na pamilya, kundi maghalal ng mga bago na mga walang pangalan, walang kayamanan at hindi mula sa political na pamilya.
"Hindi po patungkol sa mga artista lamang kundi sa lahat ng mga bolero na sumabit na, nahuli na, at higit sa lahat, nakapuwesto na ng ilang taon pero wala pa rin naitulong sa pag-unlad ng bayan kundi pangungutya," saad ni Padilla.
Walang pangalang binanggit si Padilla, pero binanggit niya na isang presidential adviser na nasangkot sa pagbili ng pirated DVD ang tinutukoy niya.
Si Llamas ay napabalitang bumili ng pirated CD noong 2011, nang mga panahong uso sa mga tiga-unibersidad at aficionados ang pagbili ng mga DVD na di hamak ay mas mura.
May kagaspangan ang mga sumunod pang pahayag ni Padilla: "Parang pinatutunayan niyo po ang sinasabi ng isang abogada na pangit po kasi kayo kaya d’yan nanggaling ang galit niyo sa artista.
"Parang kaplastikan din po yun nahuli kayo na bumibili ng pirated DVD. Presidential adviser, nasaan ang delicadeza?
"Noong 2016, 2019 halos wala lumusot sa kandidato niyo hanggang 2022."
Balik si Padilla sa patutsada sa pisikal na anyo umano ng kaaway: "Tsk, ipagdadasal ko na magbago na po kayo para kahit paano ay gumandang lalaki naman po kayo.
"Bawas- bawasan niyo po ang pangungutya.
"Mainam ay tumakbo po kayo para mapatunayan niyo din ang kakayahan niyo manalo."
Sa prediksyon ni Llamas na hindi na siya magna-No.1 bilang senador sakaling kumandidato siya uli, sabi ni Padilla:
"Hindi naman kailangan maging analyst para sabihin mahirap mag-number one uli ang isang senador dahil sa kasaysayan ng senado walang senador ang nag-number one ng magkasunod sa re-election."
RONALD LLAMAS REPLIES
Sa Facebook page ni Llamas, sinagot nito ang patutsada sa kanya ni Padilla.
Sabi ni Llamas: "Okay lang kahit pangit. Hindi naman krimen yon eh. Basta huwag maging pangit ang budhi at traydor sa bansa."