Ang mahuhusay na pagganap ng mga artista, ang makatotohanang kuwento na nangyayari sa buhay ng pamilyang Pilipino, at ang mga eksenang nakakatawa.
Ito ang ilan sa mga naisip ng direktor na si Rico Gutierrez na dahilan kaya mabilis na umakyat sa No. 1 spot ng Netflix Philippines ang Everyone Knows Every Juan, ang pelikulang pinagbibidahan nina Gina Alajar, Edu Manzano, Joel Torre, Jaime Fabregas, Ronnie Lazaro, Ruby Ruiz, at Alessandra de Rossi.
Si Rico ang technical director ng Everyone Knows Every Juan, na idinirek ni Alessandra.
Nagsimulang mapanood sa Netflix ang pelikula nito lamang Huwebes, Pebrero 5, 2026, pero nanguna agad sa Top 10 Movies.
Read: Gina Alajar natakot sa "ambitious project" ni Alessandra de Rossi
“Mahuhusay ang performance ng mga artista. Saka kakaiba yung pelikula.
"Sa umpisa, parang, 'Ano ba ito? Anong nangyayari?' Nakaka-challenge siya.
“Natutuwa ako para sa mga artista ng Everyone Knows Every Juan kasi ang gagaling talaga nila,” pahayag ni Rico nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Biyernes, Pebrero 6.
Unang ipinalabas ang Everyone Knows Every Juan sa mga sinehan noong Oktubre 2025.

EVERYBODY KNOWS EVERY JUAN: NO CUTS
Lingid sa kaalaman ng karamihan, gumamit muna sina Alessandra at Rico ng theater actors bilang double ng mga artista dahil tuhog o walang cut nang kunan nila ang mga eksena para maiwasan ang mga pagkakamali.
“Kumuha muna kami ng mga theater actor. Bawat isang character ng pelikula, may double sila.
"So, dun sa set, ginagawa na namin yung blocking, kasama ang camera.
“Nung dumating sa set yung mga artista, sinabi kong panoorin muna nila yung mga gagawin ng theater actors.
“Kailangan kasi nila makita kung paano ang choreography ng camera at ang mga gagawin ng mga double nila.
"Ang haba ng unang take, parang umabot ng isang oras,” paliwanag ni Rico tungkol sa metikulosong paghahandang ginawa nila bago kinunan ang mga eksena ng pelikula.
Nagpapasalamat si Rico sa lahat ng mga tumatangkilik sa Netflix ng Everyone Knows Every Juan, na naghatid ng malaking sorpresa nang manguna agad sa pangalawang araw ng streaming sa Netflix Philippines dahil sa mga papuri at positive reviews.
Read: REVIEW: Bagets: The Musical taps into youth, music, and nostalgia