Ang pagbabalik ni Ken Chan sa Pilipinas ngayong 2026 ang impormasyong natanggap ng Cabinet Files na isang magandang balita para sa matatapat na tagahanga niyang matagal nang nangungulila sa kanya.
Huling nasilayan si Chan ng publiko nang dumalo ito sa GMA Gala na ginanap sa grand ballroom ng Manila Marriott Hotel, Pasay City, noong Hulyo 20, 2024.
Pagkatapos nito, bigla na lamang nawala ang aktor nang sampahan siya ng syndicated estafa, isang non-bailable na kaso at habambuhay na pagkakabilanggo ang parusa kapag napatunayan na nagkasala.
Read: Ken Chan charged with syndicated estafa over P14M investment deal
Nagkaroon ng malaking problema si Ken sa pananalapi dahil sa pagkakasangkot niya sa PHP14-million restaurant investment scandal.
Ayon sa kanyang mga investor, hindi siya tumupad sa kasunduang paghahati ng kita.
Noong Nobyembre 2024, inihain ang warrant of arrest para kay Ken sa tahanan niya sa Quezon City. Pero wala siya sa bahay niya.
May mga nagpatotoong nakita nila si Ken sa Taiwan at sa Thailand, pero walang nakakaalam sa tunay na kinaroroonan niya sa kasalukuyan.
Hanggang makarating sa Cabinet Files ang impormasyong nalalapit na ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Read: Rita Daniela on Ken Chan: "We're not friends anymore."
KEN CHAN'S ACTIVITY ON SOCIAL MEDIA
Mula nang masangkot si Ken sa mabigat na kasong syndicated estafa, hindi na siya naging aktibo sa social media.
Pero nananatiling bukas ang kanyang komunikasyon sa pamilya at malalapit na kaibigan.
Sarado pa rin ang comments section sa Instagram account ni Ken.
Ang pagpapalit ng cover photo sa kanyang Facebook page ang tanging social media activity niya noong Abril 2025.
Read: Ken Chan nagparamdam sa social media sa gitna ng mga espekulasyon
Sa huling Facebook entry ni Chan noong Nobyembre 2024, nangako siyang ilalabas ang katotohanan at ang mga detalye tungkol sa syndicated estafa na ibinibintang laban sa kanya.
Mensahe niya: “Ako naman po ang maglalabas ng mga detalye sa mga darating na pagkakataon dahil patuloy po ang pagdikdik sa akin ng mga taong gustong sirain ang pagkatao ko sa mga hakbang na ginawa nila mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayon, makikita ninyo ang intensyon ng mga taong gusto akong pabagsakin.
“Kaunting panahon po at ilalabas ko lahat ang katotohanan kung bakit nangyari ito sa kumpanya.
"Hindi po ako nanghingi lang ng pera at nanloko tulad ng akusasyon sa akin. Nalugi po ang Café Claus at isa sa malaking dahilan na rin ay dahil sa ilang business partners namin na nagplano para pabagsakin ang kumpanya at patuloy na sirain ang aking pangalan.”
Hindi pa natutupad ang salitang binitiwan niya na ilalabas ang katotohanan at ang mga detalye tungkol sa sa kaso na malaki ang naging epekto sa kanyang pagkatao, personal na buhay, at showbiz career.