Plano ng naulilang pamilya ni Vangie Labalan na iuwi sa Pilipinas ang cremated remains ng award-winning character actress sa Marso 2026.
Pumanaw si Vangie sa Australia noong Pebrero 12, 2026. Siya ay 83.
Ayon sa anak ng kanyang anak na si Carlo Eduardo Labalan, namatay na masaya ang nanay niya.
Read: Veteran actress Vangie Labalan passes away at 83
VANGIE LABALAN'S LAST MOMENTS
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kay Carlo, ibinahagi niya ang mga huling sandali sa mundo ng kanyang pinakamamahal na ina.
Lahad niya: “Iuuwi sa Pilipinas ang ashes niya. I am not sure kung first week of March, pero probably during that time.
“Namatay siya sa Australia, sa home ng kapatid ko, si April, yung pangalawa.
"Iniuwi si Mama ng gabi, galing sa hospital. The next day, noontime, February 12, saka siya pumanaw.
“Hindi nag-suffer si Mama. Parang natulog lang siya.
"Surrounded siya ng tatlong kapatid ko na nandoon, and she was very happy sa last few weeks and few days niya sa mundo.
“Yun talaga ang gusto niya, ang makapunta sa Australia at makasama yung mga kapatid ko—sina Marlon Othello, April Lee Christina, at Hannah Lee Tangerine.”

CARLO REMEMBERS HIS LATE MOTHER
Gaya ni Vangie, professional dubber si Carlo na maraming magagandang alaala tungkol sa kanyang ina.
Pagbabalik-tanaw ni Carlo: “Marami akong fond memories tungkol kay Mama.
"Pero natutuwa ako kapag naiisip ko in hindsight kung paano ang training niya sa amin sa craft. Kasi pinasok din niya kami sa recording, konting acting.
“Parang she demands excellence talaga saka she always say na, ‘Kaya mo yan.’
"Like, kapag gumagawa kami ng commercials, mga voice acting, radio and TV commercials, nagagalit siya kapag hindi namin nagagawa. Kukurutin niya ako. Sasabihin niya, ‘Kaya mo yan!’"
Inilarawan ni Carlo si Vangie bilang "very generous."
Saad niya: “Si Mama, she’s a very generous person, sobra.
"Sa amin, sa mga pinsan ko, marami siyang natulungang mapaaral. Sa mga kamag-anak namin, saka sa hindi mga kamag-anak.
“Si Mama, kapag nilapitan mo, kapag may pera siya, no questions asked kapag alam niyang kailangan mo, ibibigay niya.
“Minsan, she’s too generous, pero ganoon siya kabait na tao.”

VANGIE LABALAN'S FAVORITE MOVIES
Isang karangalan para sa Cabinet Files na pinaunlakan ni Vangie Labalan ang hiling na makapanayam ito noong Marso 2024.
Iyon ang huling pagkakataong nagpainterbyu ang beteranang aktres bago pumanaw.
Sa naturang panayam, inilahad ni Vangie na ang National Artist for Film na si Ishmael Bernal ang unang nagbigay sa kanya ng acting assignment noong 1980 sa pamamagitan ng pelikulang City After Dark.
Mula noon, nagkasunud-sunod na ang mga proyekto ni Vangie sa pelikula at telebisyon.
Ang Himala (1982), na mula sa direksiyon ni Bernal, at ang Baby Tsina (1984), na idinirek ng National Artist for Film na si Marilou Diaz-Abaya, ang dalawa sa mga proyektong kanyang pinakatatangi sa halos limang dekada na pag-arte niya.


Lahad ni Carlo: "Favorite movies niya, I think Himala pa rin, kasi siyempre Nora Aunor. Pero among them is also Baby Tsina ni Vilma Santos.
“Paborito rin niya ang Karnal [1983] even though maliit lang ang role niya and, probably, Hihintayin Kita sa Langit [1981], among others.
"Pero ang talagang favorite directors niya, sina Lino Brocka, Ishmael Bernal."
Sabi pa ng anak ni Vangie: “Sobrang mahal niya ang kanyang acting profession, as in she’s very proud na she’s a good actress.
"She’s very, very proud na may influence siya sa industry and she’s very happy kapag kinukuha ang serbisyo niya.
"Kapag pinupuri siya ng magagaling na directors at magagaling na artista.
“I think we can say na acting talaga ang first love niya kasi sobrang ang tagal din niya sa industriya, at ito talaga ang nagpalaki sa amin.
“Yun ang nagpakain sa amin mula noong bata kami hanggang magkaroon kami ng kanya-kanyang buhay.
“Sobrang workaholic siya. Naaalala ko, minsan tatlong tapings ang pinupuntahan niya.
"Wala pa siyang sasakyan. Sumasakay siya sa bus o taxi. Ganoon niya ka-love ang acting.
“Mahilig din siyang mag-conceptualize ng mga script, sa theater, kung anu-anong projects. Hindi lang talaga nagpu-push through.”
Naunang pumanaw ang asawa ni Vangie na si Noli Labalan.
Read: Feng shui expert’s forecasts on Kathryn, Vice Ganda, Marian, Dindong, Coco, Heart, Barbie