Inamin ni SK Chairperson Mark Adrian Napiza ng Sta.Cruz, Laguna, ang pagkakamali.
Inihingi niya ng paumanhin ang kanyang ginawa sa isang convenience store: ang paghawak sa mga naka-display at itinitindang siopao at hotdog.
Kinondena ng netizens ang unsanitary practice ni Napiza na kinunan niya ng video para gamitin bilang content.
Mabilis itong kumalat noong Lunes, Pebrero 16, 2026.
Ipinag-utos ni Sta.Cruz, Laguna Mayor Benjo Agarao na imbestigahan ang pangyayari dahil hindi raw magandang halimbawa ang inasal ni Napiza na naturingan pa namang SK chairperson.
Read: Sta. Cruz, Laguna SK chairman binatikos sa insidente sa convenience store
SK CHAIRMAN ISSUES APOLOGY
Ngayong Martes ng hapon, Pebrero 17, 2026, naglabas ng pahayag si Napiza upang humingi ng tawad sa kanyang ginawa.
Boluntaryo niyang inalis sa social media ang ibinahagi niyang video bilang content na naging dahilan para kastiguhin at husgahan siya ng publiko.
Sinabi rin ni Napiza na ang lahat ng hinawakan niyang pagkain ay kanyang kinuha at binayaran noon din daw araw na iyon.
Tanggap din daw niya ang puna na bilang isang lingkod-bayan sa kanilang barangay ay magpakita siya dapat ng magandang ehemplo.
Ito ang kabuuan ng public apology ni Napiza: “Ako po ay nagbibigay ng aking pormal na paliwanag kaugnay sa video na aking nagawa na kumalat sa social media kung saan ako ay makikitang nasa loob ng 7-Eleven Convenience Store.
“Unang-una po, inaamin ko na ang aking naging kilos sa nasabing video ay hindi tama at hindi po nararapat, kahit na ito po ay ginawa ko lamang bilang biro na parte ng aking video content, kasama ng aking mga kaibigan at walang anumang hangad na masamang intensyon.
“Nauunawaan ko na hindi po ito tamang asal, lalo at higit bilang isang halal na Sangguniang Kabataan Chairman sa aming Barangay, alam ko po na may mas mataas na inaasahang pamantayan ng pag-uugali sa akin bilang isang lingkod-bayan.
“Gusto ko pong ipagbigay-alam na ang lahat ng aking nahawakang pagkain ay aking kinuha at binayaran ng mismong oras at araw na din na iyon.
"Gayunpaman, nauunawaan ko na ang issue po ay hindi lamang tungkol sa pagbabayad kundi tungkol sa wastong asal at sa imahe na naipakita at naging dating ng video content na ito sa publiko.
“Ina-acknowledged ko rin po na ang pagkalat ng video ay maaaring nakaapekto sa tiwala ng publiko at sa reputasyon ng Sangguniang Kabataan.
“Agad ko pong pinuntahan at nakausap ang pamunuan ng 7-Eleven upang humingi ng paumanhin sa paggawa ng content nang walang pahintulot at sa anumang abalang naidulot nito. Akin din pong tinanggal ang video nang aking maunawaan ang posibleng epekto nito.
“Kaugnay po sa sulat na naibaba at natanggap ko po mula sa Pangulo ng Sangguniang Kabataan Pederasyon na binigyang pansin ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng aming bayan, asahan po ninyo na ako ay makikipag ugnayan sa lalong madaling panahon.
“Inaako ko po ang buong pananagutan sa aking naging pagkakamali. Naiintindihan ko na bilang isang kabataang lider, ang aking mga kilos, maging sa personal man o opisyal na pagkakataon ay may kasamang responsibilidad at maaaring makaapekto sa tiwala ng publiko.
“Pinapangako ko po na sisikapin ko pong maging mas maingat at responsable sa aking mga susunod na hakbang upang hindi na po ito maulit.
“Sa lahat po ng naapektuhan, nabahala, o nadismaya sa nangyari, ako po ay taos-puso na humihingi ng paumanhin.
“Handa po akong tanggapin ang anumang nararapat na hakbang o gabay mula po sa kinauukulan. Salamat po.”
Read: Bulacan Vice Governor Alex Castro, ayaw patulan si Alvin Aragon