Naninindigan ang veteran broadcast journalist at komentaristang si Ramon Tulfo na bugbog-sarado ng isang mataas na opisyal ang aktor at ang gobernador ng Bulacan na si Daniel Fernando.
Dahil daw ito sa naging trato ng grupo ni Fernando sa presidential son na si Vinny Marcos sa diumano’y road-rage incident na nangyari sa North Luzon Expressway noong Pebrero 21, 2026.
Read: Remulla, itinangging binantaan si Bulacan Gov. Daniel Fernando
Ngayong Biyernes, Pebrero 27, ibinahagi ni Tulfo sa kanyang Facebook page ang kopya ng ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Huwebes, Pebrero 26, tungkol kay Fernando na walang pasa at hindi namamaga ang mukha nang namahagi ito ng scholarship sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa lalawigan ng Bulacan.
Kalakip nito ang larawan ni Fernando na kuha sa nasabing okasyon.
Sabi ni Tulfo sa caption: “Ang daling matakpan ang black eye o pasa sa mukha. Magaling ang mga taga showbiz diyan.
"Ang bata nga ay napapatanda nila sa harap ng camera dahil sa makeup.”
THE BUMP ON FERNANDO'S FOREHEAD
Ang reaksiyon ni Tulfo ang paraan ng pagkontra nito sa inilabas na ulat ng PEP.
May mga naniniwala kay Tulfo na biktima ng pambubugbog si Fernando dahil sa diumano’y bukol na halos kasing-laki ng piso na makikita sa kanang bahagi ng noo ng aktor-gobernador.

Pero kung pagbabasehan ang mga lumang larawan ng actor-politician, mapapansing dati nang may bukol sa noo niya.
Malinaw na mapapansin ito sa mga larawan niyang kuha noong Mayo 2025 at Oktubre 2025.

Ngayong Biyernes ng hapon, Pebrero 27, muling naglabas ng video ang tanggapan ni Fernando tungkol sa pakikipagpulong niya kay PHILECO Chairman Dr. Rhegis Romero II para sa binabalak na pagpapatayo ng First Waste to Energy facility sa Central Luzon.
Walang pasa na epekto ng pambubugbog ang mababakas sa kanyang mukha.
Taliwas ito sa may katiyakang Facebook post ni Tulfo.
Bahagi ng post ni Tulfo noong Pebrero 25: “Kaya pala di lumalabas si Bulacan Gov. Daniel Fernando dahil maga ang kanyang mukha dahil ginulpi siya ng isang mataas na opisyal, ayon sa aking tweety bird.
"Gumulong-gulong daw ang dating bomba star nang pinagsusuntok siya ng opisyal na ayaw ko na lang banggitin ang pangalan.
"Naglulumuhod daw si 'Scorpio Nights' boy at nagpagulpi na lang dahil sa ginawa niya sa anak ng Pangulong BBM na si Vinni Marcos, sabi ni tweet-tweet.
"Definitely hindi si BBM ang gumulpi sa kanya at hindi rin mga taga Presidential Security Command.
"Sabihin na lang natin na isang opisyal na nagmalasakit sa anak ng Pangulong BBM.
"Tinutukan kasi ng mga bodyguards ng mayabang na gobernador si Vinni at ang kanyang driver nang umoberteyk ang Toyota Land Cruiser ni Vinni sa convoy ng kumag na local official.”
Sa kabila ng magkakasunod na akusasyon ni Tulfo na sinaktan si Fernando ng isang opisyal na may mataas na katungkulan, hindi pa rin nagsasalita ang gobernador ng Bulacan tungkol dito.
Pero umaasa ang mga tagasuporta niya na magsasalita siya para magkaroon ng linaw ang kontrobersiyal na isyu.
Dahil bilang isang halal na public servant, karapatan ng mga nagluklok sa kanya sa puwesto na malaman ang katotohanan at para mahinto na ang mga haka-hakang naghahatid sa publiko ng kalituhan.
Read: Daniel Fernando, lumabas na sa publiko; walang bakas na bugbog-sarado