Ang road-rage incident na kinasangkutan umano nila ng presidential son na si Vinny Marcos ang isa sa mga tinalakay ng aktor at Bulacan governor na si Daniel Fernando nang magsalita ito sa harap ng mga kawani sa unang araw ng linggo ng pagtataas ng watawat sa Malolos, Bulacan, ngayong Lunes, Marso 2, 2026.
Walang anumang detalye na ibinigay si Fernando tungkol sa sinasabing road rage incident na naganap sa North Luzon Expressway noong Pebrero 21 dahil, ayon sa kanya, sapat na ang pahayag ng palasyo ng Malacañang at ng Land Transportation Office (LTO).
Read: Remulla, itinangging binantaan si Bulacan Gov. Daniel Fernando
Saad ng actor-politician: “Yung sinasabing road rage ay malinaw nang nagpahayag ang Malacañang tungkol dito at ang LTO. Okay na po yan.
“Sa puntong ito, higit sa anupaman na negatibong balita na nagkalat sa social media, ang mas mahalaga sa akin ay ang inyong pagtitiwala at pagkilala sa aking pagkatao.
“Maraming salamat po sa inyong patuloy na pag-unawa at pagmamahal.
"Salamat po at binigyan ninyo ng pagpapahalaga ang mahabang panahon ng aking tahimik na paglilingkod, lalo na po sa mga kapus-palad."
DANIEL FERNANDO SAYS HE'S TRYING HIS BEST NOT TO ABUSE POWER
Hindi na rin nagsalita tungkol sa mga Facebook post ng veteran columnist na si Ramon Tulfo na, diumano, sinuntok at sinakal siya ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa opisina ng DILG sa Camp Crame nang ipatawag siya dahil sa naging trato niya sa anak ng Pangulo sa sinasbaing road-rage incident.
Inamin ni Fernando na hindi siya perpekto, pero nagsisikap daw siyang huwag magmalabis sa kapwa.
“Hindi man po perpekto si Daniel Fernando, si Daniel Fernando po ay hindi perpekto, pero pinagsisikapan ko pong huwag magmalabis sa ating mga kababayan at kapwa-Pilipino.
“Para naman po sa ibang hindi nakakakilala sa akin at hindi pa nakikipag-ugnayan sa inyong abang lingkod, sana ay magkaroon ng pagkakataon na tayo ay lubusang magkakilala para sa lalong ikabubuti ng paglilingkod sa ating mga kababayan, lalo po ngayong naggigiyera sa Middle East," pahayag niya.
Read: Daniel Fernando lumabas na, walang bakas na bugbog-sarado
Nakiusap si Fernando sa mga bumabatikos sa kanya na maging responsable sa social media dahil pinipilit daw niyang manatiling kalmado sa kabila ng mga matitinding paghuhusga sa kanyang pagkatao.
Ayon sa politiko: “Dun sa mga namba-bash sa atin, please, nakikiusap po ako sa inyo, gawin po nating makabuluhan ang social media.
“Panahon na po para tayo ay manalangin sa Panginoon nang mas malalim sapagkat hindi po natin alam ano ang meaning ng digmaang ito.
“Pinipili ko pong manatiling kalmado, magpakumbaba, at manatiling nakatuon sa aking sinumpaang tungkulin na maglingkod sa ating mga kalalawigan.
"Sapagkat ang ating motto, 'Ang Diyos ang ating sandigan at ang Mahal na Birhen ang aking sandalan.'"
Pagpapatuloy ni Fernando: “Pasensya na po kayo naging emosyonal ako. Hindi naman po talaga ako emotional.
"Mapagbiro po talaga ako, di ba? Ngayon lang po yan.
"Basta tayo, tuluy-tuloy po ang ating paglilingkod, tapos na po yan."
Sa huli ay nagbiro si Fernando tungkol sa bukol sa noo niya na inakala ng iba na bunga ng diumano’y pambugbog sa kanya.
“Ito po kasi lymphoma. Paano ba operahan ito?” sabi ni Fernando habang hinahaplos ang bukol sa kanyang noo.
Biro pa niya, “Sabi ko na lang third eye, X-ray machine."
Sa kabila ng pagbasag ng kanyang katahimikan, wala pa ring nakuhang malinaw na sagot o kung ano ba ang tunay na pangyayari tungkol sa kinasangkutang road-rage incident ng gobernador ng Bulacan.
Read: Tulfo, nanindigang binugbog ng government official si Fernando