Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Quezon City Fourth District Representative Jesus Manuel Angel “Bong” Suntay dahil sa sexist remarks nito tungkol sa aktres na si Anne Curtis, patuloy ang mga batikos laban sa kanya.
Tila walang naniniwala sa katuwiran ng kongresista na analogy lamang ang pahayag niya sa pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban kay Vice-President Sara Duterte noong Martes, Marso 3, 2026.
Bahagi ng pahayag ni Suntay: “Alam mo minsan, nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya.
"May desire sa loob ko na nag-init talaga at na-imagine ko na lang ang puwedeng mangyari.
"Siyempre hanggang imagination ko na lang yun. Siyempre hindi ako puwedeng kasuhan dahil kung anu-ano ang na-imagine ko."
Kalaunan ay ikinatuwiran ni Suntay sa isang panayam na hindi totoo ang senaryong binanggit niya tungkol kay Anne. Bahagi lamang daw ito ng kanyang imahinasyon.
Read: QC congressman, binatikos dahil sa komento tungkol kay Anne Curtis
CONGRESSMAN SUNTAY ISSUES PUBLIC APOLOGY
Sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag ngayong Miyerkules, Marso 4, 2026, humingi ng paumanhin si Suntay.
Pero iginiit pa rin ng mambabatas mula sa Quezon City na walang malisya ang sinabi niya.
Pangangatuwiran ni Suntay: “May mga statement which was taken out of context. Dapat tingnan ang kabuuan at hindi dapat napupunta sa konklusyon.
“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, dun sa mga na-offend, tayo ay, inuulit ko, walang malice dun sa ninais nating gawin dun sa statement na yon.
“Ayaw nating makasakit with that analogy. But sa mga nasaktan, humihingi tayo ng dispensa."
Dagdag niya: “Kay Miss Anne Curtis din, kung nasaktan sa sinabi [ko], uulitin ko, there was no malice intended at tayo’y humihingi ng dispensa sa kanya.
"Pero it was a fictitious situation na aking ginawa.
"At isa lang ang totoo doon, yung sinabi ko na ang ganda-ganda niya dahil talaga namang maganda siya."
Read: Anne Curtis’ mother, sister condemn Rep. Suntay's lewd remarks
Ayon din kay Suntay, napapanood lamang niya si Anne sa telebisyon at hindi pa niya ito nakikita nang personal.
Dahil ito, lalong nadagdagan ang mga batikos sa kongresista na inaakusahan ng pagsisinungaling.
Samantala, wala pang pahayag si Anne kaugnay ng isyung ito na bigla siyang nadamay.
Kasalukuyang nasa Muscat, Oman, si Anne kasama ang mister niyang si Erwan Heussaff at anak nilang si Dahlia.
Dapat ay sa Dubai sila magkikita ngunit dahil sa kasalukuyang tensiyon sa Middle East ay maraming flights ang nakansela at na-divert ang ilan sa ibang bansa.
Read: Anne Curtis reunites with husband Erwan, daughter Dahlia in Oman