Ang mga karanasan ni Marlou Colina bilang dating makeup artist sa Hollywood ang ilan sa mga napag-usapan nang humarap siya sa Filipino entertainment press noong Martes, Marso 10. 2026.
Si Marlou ay isang licensed aesthetic specialist at founder ng U.S.-based company na MC Aesthetics International.
Naririto si Marlou sa Pilipinas para ipakilala sa mga Filipino beauty doctor ang kanyang skin care products na siya ang nag-formulate at tinatangkilik sa Amerika at iba’t ibang mga bansa.
Noong Pebrero 2026, bago umuwi ng Pilipinas ay lumipad si Marlou sa Bali, Indonesia, mula sa Amerika, dahil dumalo siya sa Global Impact Awards.
Ipinagkaloob kay Marlou sa Global Impact Awards ang parangal para sa Global Leadership in Medical Aesthetics, Education and Community Impact.
Read: Nico Locco on leaked video scandal: "Yes. It’s me."

MARLOU COLINA ON WORKING WITH HOLLYWOOD CELEBRITIES
Bago itinatag ni Marlou ang MC Aesthetics International, naranasan niyang magtrabaho bilang makeup artist sa Hollywood.
Sina Kylie Minogue, Selena Gomez, at ang anak ni Harvey Weinstein na si Remy Weinstein, na higit kilala sa tawag na Lily, ang ilan sa mga naging kliyente ni Marlou noong aktibo pa itong makeup artist.
Apat na taon naglingkod si Marlou sa The Weinstein Company na pag-aari ni Harvey, dating isa sa mga pinakamakapangyarihang film producer sa buong mundo pero nakulong dahil sa mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso.
Isang convicted sex offender si Harvey na nakakulong mula pa noong Mayo 2018.
Siya ang dahilan kaya nabuo ang #MeToo, ang social movement at awareness campaign laban sa rape culture, sexual abuse, at sexual harassment.
Sina Ashley Judd at Rosanna Arquette ang dalawa sa Hollywood actress na inakusahan si Harvey ng pang-aabuso.
Read: Makeup artist Marlou Colina on working for Harvey Weinstein
MARLOU COLINA ON HARVEY WEINSTEIN
Ang kasalukuyang kalagayan ni Harvey sa bilangguan ang itinanong ng Cabinet Files kay Marlou.
Pero ayon sa kanya, wala na siyang balita tungkol sa Hollywood film producer buhat nang makulong ito.
Ayon pa kay Marlou, naputol na rin ang komunikasyon nila ni Lily, ang anak ni Harvey.
Sinabi rin ni Marlou na matapang si Harvey sa ibang mga empleyado nito, pero mabait sa kanya dahil siya ang makeup artist ni Lily.

Ilang oras matapos makausap ng Cabinet Files si Marlou, nagkaroon ng kasagutan ang mga tanong na hindi niya nasagot dahil sa artikulong inilabas ng Us Weekly tungkol kay Harvey.
Matagal na nanahimik si Harvey mula nang makulong ito.
Pero sa artikulo ng Us Weekly, nagsalita siya tungkol sa kanyang mga anak at sa relasyon nila ngayon sa isa’t isa.
“I speak to three of my children every single day: my oldest daughter, who is 30 now, and my 12-year-old and my 15-year-old,” lahad ni Harvey.
Si Lily ang kanyang tinutukoy na "oldest daughter."
Pagpapatuloy ng dating Hollywood mogul: “I told them I never sexually assaulted anyone, and they believe me. Back when I was in Bellevue, it was easier to see them.
“I won’t allow my daughter to come and see me here. My son-in-law takes my 12-year-old to visit sometimes. But it’s hard for him too. It’s emotionally crippling for him.”
Ipinagtapat ni Harvey na dalawa sa limang anak niya ang hindi na nakikipag-usap sa kanya dahil mas pinaniniwalaan ng mga ito ang mga kasiraan umanong nababasa sa Google.
Iginiit ni Harvey na hindi siya rapist.
Inilarawan niya ang sarili na isang "oversexed schmuck" na nagkamali ng mga galaw na dahilan kaya nagkaroon ng paglulunsad ng global social movement na #MeToo.
Read: Hollywood producer Harvey Weinstein sentenced to 23 years in prison for sexual assault, rape