Binili ni Batangas First District Representative Leandro Legarda Leviste ang makasaysayang bahay sa Wilhelmsfeld, Germany, kung saan natapos isulat ni Gat Jose Rizal ang nobelang Noli Me Tangere noong Pebrero 1887.
Malaki ang kontribusyon ng Noli Me Tangere para mamulat sa katotohanan ang mga Pilipino para ipaglaban ang kalayaan at makawala mula sa matagal na panahong pananakop at pang-aapi ng mga Kastila.
Nanggaling ang impormasyon tungkol sa pagbili sa bahay na tinirhan noon ni Rizal mula kay Leviste mismo.
Ibinahagi niya sa Facebook page ang tungkol dito ngayong Linggo, Marso 15, 2026, tatlong araw bago sumapit ang ika-33 kaarawan ng kongresista.
Read: Netizens weigh in on It's Showtime player's Malacañang slip-up
Ang Noli Me Tangere ang nobelang akda ni Rizal.
Inumpisahan niya itong isulat sa Madrid, Spain, noong 1884 at nakumpleto sa Germany noong Pebrero 1887.
Plano raw ni Leviste na gawing museo ang bahay na binili niya para mapreserba at maitaguyod ang kasaysayan ng Pilipinas.
Lahad ni Leviste sa Facebook post nito: “Tumira si Rizal sa Wilhelmsfeld noong 1886, habang siya ay nag-aaral ng ophthalmology sa University of Heidelberg, sa imbitasyon ng kanyang kaibigang si Pastor Karl Ullmer.
"Isinulat din ni Rizal dito ang tula na A las flores de Heidelberg, na nagpapahayag ng kanyang paggunita sa Pilipinas habang siya ay nag-aaral sa Germany.”
THE SIGNING CEREMONY
Naganap ang signing ceremony sa pagitan ni Leviste at ni Dr. Franz Hack Ullmer, ang apo sa tuhod ni Pastor Ullmer, noong nakaraang linggo.
Kasama sa signing ceremony ang mga kinatawan ng Protestant church na nagmay-ari ng bahay—sina si Dr. Tobias Dangel, mayor ng Wilhelmsfeld, at si Mr. Herbert Ehses, German chapter commander ng Knights of Rizal.
Ibinigay ni Dr. Ullmer kay Leviste ang isang lamesang katulad ng mesang ginamit ni Rizal sa pagsusulat ng Noli Me Tangere.

Ipinakita rin nina Mayor Dangel at Dr. Ullmer kay Leviste ang ilang lugar sa Wilhelmsfeld na nagbibigay-pugay kay Rizal, kabilang ang rebulto ni Rizal sa Rizal Park at ang kalyeng pinangalanang Jose Rizal Strasse.

JOSE RIZAL'S HOUSE IN GERMANY
Ayon kay Leviste, nagsilbing tahanan ng mga pastor ng Wilhelmsfeld ang bahay mula pa noong 1886, pero hindi na nagamit buhat nang matapos ang COVID-19 pandemic.
May kinalaman ang ina ni Leviste na si Senator Loren Legarda sa pagbili sa makasaysayang bahay dahil siya ang nilapitan at kinausap ng mga may-ari.
Si Legarda ang nagmungkahi sa kanyang anak na bilhin nang walang gastos mula sa gobyerno ang bahay para mapreserba ito.
Ang pagpunta ni Leviste sa Germany para bilhin ang bahay na tinirhan ni Rizal ang isa sa mga dahilan ng paghingi niya ng travel clearance mula sa House of Representatives noong Enero 30, 2026.
Limang buwan ang hininging bakasyon ni Leviste dahil sa biyahe niya sa dalawampung bansa sa Asia, Europe, Middle East, at North America.
Hindi sinabi ni Leviste ang mga pakay nito sa pagpunta sa iba’t ibang bansa sa loob ng limang buwan, pero tiniyak niyang hindi umano pondo ng pamahalaan ang kanyang gagastahin.
Read: British couple pleads guilty to assaulting Filipina nurse in racist attack