Gumawa ng kasaysayan sa 98th Academy Awards si Autumn Cheyenne Durald Arkapaw, 46, bilang kauna-unahang babae at Filipino-American na nanalo ng Oscar Awards for Best Cinematography.
Kinilala siya para sa kanyang trabaho sa Sinners.
Si Demi Moore ang nagbasa ng pangalan ng nagwagi para sa kategoryang Best Cinematography.
Niyakap at saglit na nakipagkuwentuhan si Moore kay Arkapaw nang umakyat ito sa entablado ng 98th Academy Awards na ginanap sa Dolby Theatre, Hollywood, California, nitong Linggo, Marso 15, 2026 (U.S. time).

Pilipina mula sa Pampanga ang ina ni Arkapaw at African-American naman ang kanyang ama.
Isinilang ang female cinamatographer sa Oxnard, California.
Read: Oscars 2026: One Battle After Another wins six awards
ARKPAW PAYS TRIBUTE TO ALL WOMEN
Inialay ni Arkapaw ang parangal na natanggap sa kanyang asawa, anak, at mga magulang na kasama niyang dumalo sa Oscars 2026.
Binigyan din ni Arkapaw ng importansiya ang lahat ng mga babae sa audience gallery na kanyang pinatayo para magbigay-pugay.
Bahagi ng acceptance speech ni Arkapaw: “I am so honored to be here and I really want all the women in the room to stand up ‘coz I feel like I don’t get here without you guys.
“I really, really truly mean that.
"I felt so much love from all the women in this whole campaign and gotten to meet so many people.
"And I just feel like moments like this happen because of you guys, and I wanna thank you for that.”
Tumanggap ng malakas na palakpakan si Arkapaw dahil sa pagbibigay-pugay niya sa mga kababaihan.
Pinasalamatan din ni Arkapaw si Zinzi Coogler, isa sa producers ng Sinners.
Gaya ni Arkapaw, Filipino-American din si Coogler dahil Pilipina ang kanyang ina.
Hindi lamang si Arkapaw ang nanalo sa Oscars 2026 para sa Sinners.
Nagwaging Best Actor si Michael B. Jordan, at napanalunan naman ng direktor ng pelikula na si Ryan Coogler ang Best Original Screenplay.
Nanalo rin ang Sinners ng Best Original Score mula sa prestigious award-giving body sa Hollywood.
Read: Barbra Streisand pays tribute to Robert Redford at the Oscars 2026