Naniniwala ang ilang sumubaybay sa 98th Academy Awards na binastos ng production staff ang nagwaging Best Original Song.
Ito ay matapos hindi pinayagang makapagsalita ang ibang mga kasama ng Korean singer-composer na si EJAE na umakyat sa entablado para tanggapin ang parangal sa kanila.
Ang "Golden" na theme song ng Netflix animated movie na KPop Demon Hunters, na inawit nina EJAE, Audrey Nuna, at Rei Ami, ang nanalo sa kategoryang Best Original Song.
Bukod EJAE, kasama niyang sumulat ng kanta sina Mark Sonnenblick, Joong Gyu Kwak, Yu Han Lee, Hee Dong Nam, Jeong Hoon Seon, at Teddy Park.
Read: Oscars 2026: One Battle After Another wins six awards

Si EJAE ang unang naghatid ng kanyang madamdaming acceptance speech.
Pero nang magsasalita na ang isang kasama niya, biglang pinatugtog nang malakas ang cut-off music na hudyat na tapos na ang pagkakataong ibinigay sa kanila.
Hindi pinakinggan ang apela ni EJAE at ng kanyang kapwa composers na bigyan pa sila ng ilang sandali dahil nagpatuloy sa pagtugtog ang cut-off music at tuluyan nang pinadilim ang ilaw sa entablado.
Kitang-kita ang pagkadismaya ng co-writer nilang si Sonnenblick sa pagka-cut off sa kanyang kasama.
Nagalit ang ilang mga nanood at sumubaybay sa gabi ng parangal ng 98th Academy Awards na ginanap sa Dolby Theatre noong Linggo, Marso 15, 2026, dahil sa diumano’y pambabastos na ginawa kay EJAE at sa mga kasama nito.
Read: Singer-songwriter Ejae, nakilala sa wakas dahil sa "Golden"
Matindi ang mga batikos nila sa production staff at sa mga producer ng programa.
Bago nangyari ang kinokondenang eksena, pinatugtog din ang cut-off music kahit hindi pa tapos magbigay ng acceptance speech ang KPop Demon Hunters directors na sina Maggie Kang, Chris Appelhans, at ang producer na si Michelle Wong.
Ang KPop Demon Hunters ang nanalong Best Animated Feature sa Oscars 2026 at pinatugtog din ang cut-off music, kahit hindi pa tapos magsalita sina Kang, Appelhans, at Wong.
Pero biglang pinahina ang tugtog para matapos ang kanilang mga pasasalamat.
May iba pang mga kategorya kung saan pinatugtog na ang cut-off music ngunit hininaan dahil hindi pa tapos ang iba pang winners.
Hindi ito nangyari sa kaso ng composers ng "Golden."
Ngunit sa backstage, kung saan dumidiretso ang winners para humarap sa press, ay nabigyan ng pagkakataon ang Korean co-writer ng "Golden" na i-deliver ang kanyang acceptance speech.
Read: Filipino-American Autumn Durald Arkapaw makes Oscar history
ERIC DANE AND JAMES VAN DER BEEK MISSING IN IN MEMORIAM SEGMENT
Kinukuwestiyon din ng netizens ang diumano’y pagbabalewala ng Academy Awards sa mga yumaong aktor na sina Eric Dane at James Van Der Beek dahil hindi kasama ang dalawa sa In Memoriam segment ng programa.
Pumanaw si Eric noong Pebrero 16, 2026, at sumakabilang-buhay naman si James noong Pebrero 11, 2026.
Marami ang nagtataka dahil hindi isinali ang dalawang aktor sa In Memoriam segment ng 98th Academy Awards.
Read: Barbra Streisand pays tribute to Robert Redford at the Oscars 2026