Ang pahayag ni Boss Vic del Rosario ng Viva Entertainment na hindi mabubuwag ang AshDres loveteam nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga ang dahilan kaya trending ang kanyang pangalan sa X (dating Twitter) ngayong Lunes, Marso 23, 2026.
Sapat na ang maiksi pero makahulugang sinabi ni Boss Vic sa isang panayam sa kanya.
Deklarasyon ng Viva big boss: "Hindi puwedeng mabuwag hanggang nandiyan ang mga fans."
Dahil dito, naging panatag ang kalooban ng matatapat na tagahanga nina Andres at Ashtine na labis nag-alala sa naririnig nilang binibigyan na ng solo projects ang dalawa dahil dahan-dahan nang binubuwag ang AshDres loveteam.
Read: Nic Chien reveals learning about parents’ split from Instagram comment
ASHDRES: FROM SERIES TO THE BIG SCREEN
Nabuo ang loveteam nina Andres at Ashtine nang magtambal sila sa Ang Mutya ng Section E., ang phenomenal hit series na napapanood sa Viva One simula pa noong Enero 2025.
Nagkaroon ng Season 2 ang serye dahil sa tagumpay nito, ang Ang Mutya ng Section E: The Dark Side, na nag-umpisa ang streaming sa Viva One noong Disyembre 2025.
Dahil sa mainit na pagtanggap sa AshDres loveteam, binigyan sila ng Viva Films ng launching movie, ang Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna, na ipinalabas sa mga sinehan noong Setyembre 24, 2025.
Nakaramdam ng pagkabahala ang fans nina Ashtine at Andres nang bigyan ang dalawa ng mga proyekto na hindi sila magkasama.
Nagbida si Andres sa Bagets: The Musical.

Pinagkatiwalaan naman si Ashtine ng sariling drama anthology nito sa Viva One, ang Ashtine.

Nag-alala ang AshDres fandom na maaaring may katotohanan na unti-unti nang paghihiwalayin ang loveteam na kanilang sinusuportahane.
Pero napalitan ng ligaya ang mga agam-agam nila dahil sa assurance ni Boss Vic na hangga’t nandiyan sila, hindi puwedeng mabuwag ang loveteam nina Andres at Ashtine.
Lubos ang pasasalamat at mga papuri ng AshDres fans kay Boss Vic dahil ito ang nagpasaya at nagbigay sa kanila ng pag-asa kaya lalong nadagdagan at tumindi ang suporta nila kina Andres at Ashtine.