Nagpaalam at nagpakuha ng litrato bilang souvenir ang executives ng ABS-CBN, mga host, at production staff sa harap ng Pinoy Big Brother (PBB) house sa Eugenio Lopez Drive, sa Quezon City, noong Martes, Marso 24, 2026.
Marami sa mga sumali sa PBB ang naging artista, sumikat, at nananatiling bahagi ng Philippine entertainment industry.
Pero lahat ay may hangganan, tulad ng iconic PBB house na malaking bahagi ng buhay ng mga dating housemate.
Nakatakda nang buwagin ang makasaysayang Bahay ni Kuya, na unang nagbukas noong Agosto 2005.
Read: Eman Bacosa Pacquiao, milyonaryo na sa dami ng endorsements?

Natapos na ang lease contract at may bago nang nagmamay-ari sa lupa na kinatitirikan ng PBB house ang bersiyon na nakarating sa Cabinet Files.
Kaya nakatakda na ang demolisyon sa Bahay Ni Kuya na isa nang tourist attraction at dinarayo ng mga tao mula nang sumikat, noong 2005 hanggang sa kasalukuyan, ang reality competition ng Kapamilya Network na nagbigay ng pag-asa sa mga nangarap maging artista.
Kahit mawawala na ang orihinal na bahay ni kuya, magpapatuloy pa rin umano ang PBB pero sa iba nang tahanan at lugar.
FROM SALESLADY TO PBB PRODUCTION DESIGNER
Kabilang ang seasoned resident production designer at art director ng ABS-CBN na si Nancy Arcega sa mga nalungkot sa nalalapit na paggiba sa PBB house dahil malaking parte ito ng kanyang personal at propesyonal na buhay.
Seventeen years old si Nancy nang magtrabaho bilang saleslady sa men’s underwear section ng Fairmart Department Store sa Cubao noong dekada ’80, bago niya ipinagpatuloy ang pag-aaral hanggang maging production designer siya ng mga programa ng ABS-CBN.
"Wonder Woman" ang tawag kay Nancy ng mga kapwa niya empleyado sa nabanggit na department store dahil madalas siyang ikinukumpara kay Wonder Woman star na si Lynda Carter.
Dahil matangkad at maganda, inalok si Nancy ng management ng Fairmart na maging modelo at isama sa mga live mannequin model sa show window ng department store.
Live mannequin ang tawag sa mga model na imbes rumampa, nakapuwesto sa loob ng malaking show window, suot ang mga damit na mabibili sa department store pero hindi sila kumikilos.
Ang dating aktres at talent manager na si Jessica Rodriguez at ang former sexy star na si Isadora, na Salome Velasquez ang tunay na pangalan, ang dalawa sa mga nagtrabaho noon bilang mga live mannequin.
Nangibabaw kay Nancy ang pagiging mahiyain kaya tinanggihan niya ang alok na makasama sina Jessica at Isadora bilang live mannequin sa loob ng malaking estante ng department store.
Mula sa pagbebenta ng men’s underwear, malayo na ang narating ni Nancy.
Malaki ang ipinagbago ng takbo ng kanyang buhay nang kunin siya ng direktor na si Lauren Dyogi bilang production designer ng TV shows ng ABS-CBN.

“It was 1998, kinuha ako ni Direk Lauren as production designer for the docu-drama Katapat, after we worked together in Star Cinema for Gimik, The Reunion.
“Since then, naging regular production designer niya ako sa Kay Tagal Kang Hinintay, OkaTokat, Star Circle Reload, and then he took me as designer for PBB,” pagbabalik-tanaw ni Nancy nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Miyerkules, Marso 25, 2026.
Read: Nic Chien reveals learning about parents’ split from Instagram comment
THE ICONIC PBB HOUSE
Bakanteng lote pa noon ang puwesto ng PBB house kaya natutukan, nasubaybayan at malaki ang kinalaman ni Nancy sa pagtatayo sa bahay na pinag-umpisahan ng katuparan ng mga pangarap nina Nene Tamayo, Jayson Gainza, Kim Chiu, Gerald Anderson, Zanjoe Marudo, Fyang Smith, at marami pang iba.
Lahad ni Nancy: “Yung design of the house, collab kami ni Direk Lauren. Before buying anything, kino-consult ko siya.
“With the wallpaints, sabi niya noon, ‘Sure ka ba diyan? Parang masyadong colorful.’
“Hanggang nauso na noong panahon na yon ang clashing colors of walls against the sofa.”
Si Nancy raw ang pasimuno sa paggamit ng makukulay na pintura at gamit sa loob ng PBB house na naging trend noon.
Pero pinakamahirap daw para sa kanya ang paghahanap ng mga kailangan para sa everyday task na mahirap hanapin.
Ang sala at kusina ng PBB house ang mga paborito ni Nancy dahil hilig niya raw talaga ang pag-aayos ng bahay.
Paglalarawan niya: “The living room and the kitchen of PBB house, fusion yan. May modern, contemporary, and Pinoy touches.
“I love dressing houses. Yung rooms kasi ng PBB house, parang boarding house lang. Yung confession room naman, kay Kuya yon.”
Sa lahat ng mga PBB edition, ang Season 1 daw ang pinakapaborito at malapit sa puso ni Nancy.
Paliwanag niya, “The best siyempre ang original group. Sina Nene Tamayo, kasi sobrang organic. Hindi kasi sila mga artista.”
Read: Carlos Yulo, maayos na ang relasyon sa mga kapatid; pati kaya sa mga magulang?

NANCY ARCEGA ON WORKING WITH OTHER KAPAMILYA SHOWS
Hindi lamang ang pagiging production designer ng PBB ang malaking hamon noon para kay Nancy dahil nasubok ang kanyang talent sa ibang mga programa ng ABS-CBN.
“Yung Dirty Linen, parang PBB yan," sabi ng resident production designer ng PBB.
"We created and constructed the house. It was during the pandemic. We turned the Summit clubhouse into a mansion.
“Memorable din sa akin ang Kay Tagal Kang Hinintay, my first ever soap under Inang Olive Lamasan, Lauren Dyogi, and Don Cuaresma.
“I even played as double for Miss Lorna Tolentino.
"Sa story kasi, may kakambal si Miss LT, so kapag wala yung double, ako ang tinatawag or kapag maitim ang nako-call, ako ang nagdo-double!” natatawang lahad ni Nancy tungkol sa trabaho niya bilang production designer pero double ng artista kung minsan.
Nagsilbi rin si Nancy bilang production designer ng Ang Probinsyano, ang action-drama series ni Coco Martin na pitong taon napanood sa telebisyon at pinakamatagal na proyekto niya.

Saad ni Nancy: “I made earnings sa Ang Probinsyano kasi matagal siya, but I exerted the same efforts sa lahat ng mga project ko.
“Recently, I love The Silent Noise dahil iba ito.
"Pero siyempre, paborito ko talaga ang PBB, with all the experience of doing the first ever reality show on television.”
Read: Kim Molina at Jerald Napoles, ibinahagi ang kuwento sa viral wedding entrance