Underrated horror movie director si Roni Benaid pero eksperto siya sa pagsusulat at paggawa ng mga pelikulang nakakatakot.
Tinangkilik ng manonood at kumita sa takilya ang kanyang mga nakaraang proyekto: Marita (2023), Mary Cherry Chua (2023), at Nanay, Tatay (2024).
Ang Rosario na pinangungunahan nina Jairus Aquino, Aubrey Caraan, Lance Carr, Meg Imperial, Yumi Garcia, Rose Van Ginkel, Bernadette Allyson, at Suzette Ranillo ang bagong proyekto ni Roni.
Nahasa sa paggawa ng mga horror movie si Roni dahil ito raw ang paraan ng paghihiganti niya laban sa mga katatakutang pelikula na nagbigay sa kanya ng matinding trauma.
Saad ng horror director: “Horror po talaga yung gusto kong path kasi, No. 1, traumatized po ako ng mga horror movies na napanood ko in the past.
"So, ngayon naman, parang gusto ko silang gantihan dahil sa lahat ng trauma na naidulot ng horror movies sa buhay ko.”
Read: Aktor at estranged wife, nasa proseso na ang annulment
VENGEANCE AGAINST PAST HORROR MOVIES
Inamin ni Roni na nabudol siya ng Paranormal Activity, ang 2007 supernatural horror movie na napanood niya noong bata pa siya.
Lahad niya: “Naloko po ako dati ng Paranormal Activity kasi akala ko totoo siya.
"So, months after, bata pa kasi ako noon, ni-research ko, hindi pala siya totoo.
“Hindi ko napanood yung Blair Witch Project so, feeling ko, parang na-betray ako.
"So, gawa nga ako.”
Natupad ang paghihiganti ni Roni dahil nabigyan siya ng pagkakataong makagawa ng horror movies na tinatangkilik sa Pilipinas at sa iba’t ibang mga bansa sa Asya.
Pagpapatuloy ni Roni: “Parang kaunti lang din po yung gustong magkuwento ng horror.
"At feel ko po, may audience talaga yung Pinoy horror kung hindi man sa Pilipinas, sa region, sa Southeast Asia.
“Mabenta po lalo na po kung grounded sa superstitious beliefs or mga pamahiin, urban legends.
"May audience po talaga yung horror at naniniwala po ako na may audience ang Pinoy horror.”
Pero isang malaking hamon kay Roni, na kinikilala ngayon bilang isa sa mahuhusay na horror movie director, ang mga kapwa Pilipino na mahirap takutin dahil buong-buo ang kanilang paniniwalang daya lamang ang mga kuwento at eksena sa Tagalog horror movies.
“Mahirap takutin yung mga Pinoy kasi, ‘Huh, daya lang yan. Hindi naman totoo yan.’
“Pero siyempre, pumapasok ka sa sinehan, manonood ka, parang i-off mo muna, parang suspension off.
“Gusto lang namin kayong papasukin sa kuwento tapos hayaan ninyong mag-simmer out.
"Hopefully, maiuwi ninyo yung kuwento, yung katatakutan at mapagkuwentuhan ninyo after mapanood ang pelikula.”
Read: New book SINE. FILM. PELIKULA: A canon of outstanding Filipino films