Nakaditena ang basketball player na si Mark Reynan Mikesell "Macmac" Cardona, 44, sa Taguig Police Station.
Kinumpirma ito ng sumagot sa telepono nang makipag-ugnayan ang Cabinet Files sa naturang himpilan ngayong Linggo ng umaga, Marso 29, 2026.
Si Cardona ay naglalaro sa Maharlika Pilipinas Basketball League para sa team ng Biñan Tatak Gel.
Ayon sa police officer na nakausap ng Cabinet Files, Sabado, Marso 28, nang arestuhin si Cardona dahil inireklamo siya ng panghahalik ng isang 22-year-old na babae sa isang bar sa Bonifacio Global City, Taguig City.
Sa panayam ng ABS-CBN News sa complainant, ikinuwento nitong nagkabungguan sila ni Cardona at gusto sana niyang humingi ng paumanhin, pero hinila at hinalikan siya ng dating PBA player.
"We’re gonna go to the smoking area sana. Nagka-bump kami. I wanted to say sorry sana.
"But he, like, hold my hands na, tapos close to him, tapos he kissed me bigla, so I was so shocked.
"Hindi ako naka-react kaagad, tumakbo ako agad sa smoking area.
"And then, sinabi ko agad sa boyfriend ko na someone kissed me,” lahad ng complainant.
Nakapanayam din ang boyfriend ng complainant, at sinabi ng lalaki na kinumpronta niya si Cardona kahit higit na malaki at mataas ito kesa sa kanya.
Humantong sa kaguluhan ang kumprontasyon.
Nasugatan sa mata ang nobyo ng complainant dahil sa diumano’y panduduro ni Cardona, kaya humingi na sila ng tulong sa mga alagad ng batas.
Matapos ay sinubukan umano ni Cardona makipag-areglo pero, hindi pumayag ang magkasintahan na desididong sampahan siya ng reklamo.
Katwiran ng boyfriend ng complainant: "Gusto na lang daw niya, puwede babayaran na lang. Sabi ko sa kanya, hindi lahat nadadaan sa pera.
"If we allow this to happen, for sure, makakalusot ka. Gagawin at gagawin mo ulit yan sa ibang mga babae."
Sarado ang korte hanggang Linggo kaya naka-detain pa rin si Cardona.
Read: DISMISSED: Liza Diño cyber-libel complaint against PEP
MARK CARDONA & OTHER LEGAL ISSUES
Bago ang insidenteng kinasasangkutan niya ngayon, natuklasang sangkot si Cardona sa tatlong kaso, base sa impormasyong ibinahagi ni PCPT Ibralin Jain, ang Section Chief ng Taguig Police Women & Children Protection.
Dalawang kaso ng paglabag sa Republic Act 9262 (The Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004) ang isinampa laban sa kanya, noong 2016 at 2018.
Noong Mayo 5, 2018, inaresto ang basketbolista dahil inireklamo siya ng pananaksak ng kanyang girlfriend na si Bianca Nicole Jackes.
Sinabi noon ni Bianca na, diumano, “high on drugs” si Cardona nang magkaroon sila ng pagtatalo na humantong sa pananaksak sa kanya.
Ang isa pang nakabinbing kaso ni Cardona ay kidnapping at failure to return a minor, na isinampa laban sa kanya noong 2021.