Si Miss Universe Philippines 2019 Gazini Ganados at ang trans beauty queens na sina Fuschia Anne Ravena at Keylyn Trajano ang tatlo sa mga Pinay na makakalaban ni Imelda Schweighart sa inaugural Miss Grand International All Stars.

Si Fuschia ang nanalong Miss International Queen noong 2022.

Si Keylyn ay Top 13 placer sa Universal Woman 2025.

Samantalang si Imelda ang Miss Philippines Earth 2016 titleholder.

Tulad ni Gazini, pare-parehong 30 ang kanilang mga edad.
Kasali rin sa Miss Grand International All Stars ang Brazilian beauty queen na si Alexia Núñez, 27.
Kinoronahan si Alexia na Miss Noble Queen Universe 2025, pero official delegate din siya ng Pilipinas.

Ang Miss Grand International All Stars ang special edition ng Thailand-based Miss Grand International, at si Nawat Itsagrisil ang founder nito.
Kabilang sina Fuschia at Keylyn sa limang trans women na kalahok sa first edition ng Miss Grand International All Stars.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 35 official candidates ang Miss Grand International All Stars, at inaasahang madaragdagan pa ang bilang sa mga susunod na araw.
IMELDA SCHWEIGHART: FROM MUPH TO MGI ALL STARS
Nagkaroon ng ingay sa Pilipinas ang Miss Grand International All Stars nang ianunsiyo ng Miss Grand International Organization noong Lunes, Abril 6, na kabilang sa mga opisyal na kalahok si Imelda.
Ito ay matapos siyang tanggalin bilang kandidata ng Miss Universe Philippines 2026.
Hindi na sinabi ng Miss Universe Philippines Organization ang detalye ng disqualification ni Imelda.
Hindi nasayang ang mga paghahanda ni Imelda dahil magagamit niya ang mga ito sa kanyang pagsali sa Miss Grand International All Stars.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Imelda tungkol sa bagong yugto ng kanyang pageant journey, pero marami na ang nag-aabang sa paghaharap nila ni Nawat na kilala rin sa pagkakaroon ng kakaibang karakter.
Bukas ang Miss Grand International All Stars sa mga kababaihan at trans women na may edad mula 20 hanggang 40, may mga asawa at mga anak o wala, pero dati nang sumali sa international beauty pageants.
Magaganap ang gabi ng koronasyon ng Miss Grand International All Stars sa Bangkok, Thailand, sa Mayo 30, 2026.
Mula US$100,000 hanggang US$1 million ang premyong matatanggap ng mananalo.
Read: Imelda Schweighart, pasok sa MGI All Stars matapos matanggal sa MUPH 2026