Pinsan ng singer-actor na si Marlo Mortel ang actress-beauty queen na si Charlene Gonzalez at mga pamangkin niya sina Andres at Atasha Muhlach.
Ito ang rebelasyon ni Marlo nang makausap siya ng Cabinet Files sa media conference ng Caught in the Act na naganap nitong Martes, Abril 14, 2026.
Ang Caught in the Act ang unang vertical movie project ni Marlo para sa Viva Movie Box mula nang ipakilala siya bilang contract star ng Viva Artists Agency, ang talent management agency ng Viva Entertainment, noong Enero 2026.
Malaking isyu noong Hulyo 2025 ang announcement ng Viva na sina Heaven Peralejo at Jerome Ponce ang mga magbibida sa Wattpad series na I Love You Since 1892.
Marami kasi ang umasang si Marlo ang gaganap sa karakter ni Juanito Alfonso, na napunta kay Jerome.
Kung napaaga ang pagpirma ni Marlo ng kontrata sa Viva, may posibilidad na siya ang gumanap na Juanito.
Ito ang itinanong sa kanya ng Cabinet Files kaya nabanggit ng aktor na kamag-anak niya si Charlene at ang mga anak nito.
Lahad ni Marlo: “Hindi ko po alam, but I think si Boss Vic [del Rosario, Viva Entertainment chairman], when I came here, gusto naman niya na kung sino yung dating kinikilala, sa kanya ibigay.
"But I have high respects for all the people who were already there and I don’t really mind."
Kasunod nito ay ibinahagi ni Marlo na tiyahin niya si Elvie Gonzalez, ang ina ni Charlene.
Elvira Pamintuan Gonzalez ang buong pangalan ng ina ni Charlene, samantalang Jhann Marlowe Galman Pamintuan naman ang tunay na pangalan ni Marlo.
Saad ni Marlo: “Hindi kasi alam ng mga tao kaya ako napapunta sa Viva, dinala ako dito ng auntie ko, so she’s my manager right now, si Auntie Elvie Gonzalez.
“Magkapatid po ang lolo ko at lola ni Ate Charlene Gonzalez. Magpinsan kami kaya pamangkin sina Andres at Atasha.
“Walang may alam so that’s the reason why I am here, kaya hindi rin naman alam ni Auntie Elvie.
“Nagulat din siya nang dinala niya ako sa Viva. May hype pala noon ng WattPad kasi nga she doesn’t read.
"Sabi nga ni Boss Vic, na-late lang ako ng two weeks.”
Read: Ama ng nam-bully umano sa anak ni Alfred Vargas, isa ring aktor
MARLO MORTEL on celebrity relatives
Tumatanaw ng malaking utang na loob si Marlo sa namayapang star builder at TV host na si German Moreno dahil ito ang nakadiskubre sa kanya.
Mula nang mag-umpisa ang showbiz career ni Marlo, hindi nito binabanggit sa mga panayam sa kanya na kamag-anak niya sina Elvie at Charlene kaya masasabing nagkaroon siya ng pangalan sa entertainment industry dahil sa sariling pagsisikap.
“Never ko sinabi sa any interviews na may relatives ako na mga artista,” ani Marlo.
Paano ka naging talent ni Elvie?
Ayon kay Marlo: “Parang matagal na silang nag-uusap ng dad ko na ima-manage niya ako, but I’ve been with Star Magic kasi for the longest time.
“So, nung nagkaroon ako ng independence, binalitaan namin siya, dinala agad ako ni Auntie Elvie sa Viva.”
Iginiit ni Marlo na maayos ang pag-alis niya sa Star Magic, na namahala sa kanyang showbiz career sa loob ng sampung taon.
Pagbabahagi niya: “Ako po yung nagpaalam na gusto kong mag-explore, but I am very in good terms with Star Magic.
"Pinag-aral din nila ako sa Enderun Colleges. Nakakuha ako ng scholarship for Multimedia Arts pero nag-leave of absence na ako. Nakatapos ako ng four sems.
“Mahilig talaga akong mag-aral.Noong pandemic, nakakuha ako ng dalawang certificates sa Harvard Online, nag-aral ako ng Neuroscience.
"So I am very knowledgeable when it comes to the brain and mental health. Mahilig din ako sa mga nangyayari sa mundo. I’m very aware.
"Kaya noong nag-guest ako sa Eat Bulaga!, nung na-tackle yung Neuroscience, marami ang nag-request na ituluy-tuloy ko ang pag-advocate sa mental health.”
Kamakailan ay nag-viral ang video clip ni Marlo nang sumali at manalo siya sa trivia game show na Rainbow Rumble.
Saad pa ni Marlo tungkol sa pagma-mange sa kanya ng Tita Elvie niya: “I’m happy na bukod sa parang family dito sa Viva, literal na mina-manage ako ng family.
"And first time kong magkaroon ng personal manager at co-managed ako ng Viva.
“May ni-record na akong single for Viva and marami pa yon, kasi that’s really my passion, to create songs.
“Nung nag-meeting kami, dinala ako sa Viva, gusto talaga nilang ibalik yung pagiging actor ko kaya nag-agree rin ako na magbalik-acting.
“Sakto naman na nagkaroon ng What Lies Beneath then dinala ako sa Totoy Bato as my first project [sa Viva].
"Ito naman, first micro drama ko, yung Caught in the Act. Marami naman ang nangyayari.”
Read: Ian de Leon clarifies he has no personal motive in managing Nora Aunor's legacy