Nag-trend sa social media noong Sabado, Abril 18, 2026, ang announcement na sina Bea Binene, 28, at Wilbert Ross, 28, ang mga magbibida sa Philippine adaptation ng Pee Mak.
Ito ang blockbuster Thai supernatural horror comedy romance movie na pinagbidahan ng popular Thai actor na si Mario Maurer.
Ang Pee Mak ang itinuturing na highest-grossing film of all time sa Thailand at nagpatibay sa superstar status ni Mario.
Inanunsyo ang pagbibida nina Bea at Wilbert sa Pee Mak sa The Next Fan Takeover, ang matagumpay na fan meet ng mga artista ng Viva One original series na ginanap sa New Frontier Theater noong Sabado.
Umalingawngaw sa loob ng New Frontier Theater ang malakas na palakpakan at hiyawan ng fans ng WilBea loveteam dahil ikinatuwa nila ang balita na magtatambal sa pelikula sa kauna-unahang pagkakataon ang kanilang mga iniidolo na artista.
Isang malaking sorpresa para kay Wilbert na siya ang napili para gumanap sa karakter ni Mario na sinasabi na kahawig niya dahil diumano, Pee Mak ang tawag noon sa kanya.
"Sobrang crazy lang isipin na I’ve been called Pee Mak since I was in high school for the longest time. Nung inilabas kasi yung movie ni Mario na Crazy Little Thing Called Love, they call me Shone and then nung lumabas yung Pee Mak, they call me Pee Mak.
"Then high school, college until sa showbiz, Pee Mak ang tawag sa akin ng mga tao without me knowing na years after, it’s gonna be me playing Pee Mak.
"Natuwa po talaga ako. Parang it’s unreal, unknowingly nama-manifest ko yung isang bagay na hindi ko alam na mangyayari.
"Crazy isipin pero sobrang thankful ko sa Viva na binigyan ako ng opportunity and siyempre, hindi ko ito sasayangin, I will always do my best,” lahad ni Wilbert sa panayam sa kanya ni Rommel Gonzales.
Read: Wilbert Ross, aminadong di palaging kasundo si Bea Binene
WILBERT ROSS UPCOMING CONCERT
Makalipas ang matagal na panahon, muling napanood ang pagsayaw ni Wilbert sa The Next Fan Takeover na tagumpay kaya tiyak na ang pagkakaroon ng repeat sa Hunyo 6, 2026.
Ayon kay Wilbert, na-miss nito nang husto ang pagsasayaw na anim na taon na ginawa niya sa It’s Showtime noong miyembro pa siya ng Hashtags.
Inaasahan na ipakikita ni Wilbert ang kanyang husay sa pagkanta at pagsasayaw sa kauna-unahang major concert niya na magaganap sa New Frontier Theater sa July 25, 2026.