Ang Project Baby ng Regal Entertainment, Inc. ang comeback movie ng singer-actor na si Rico Blanco.
Huli siyang napanood sa kanyang special participation sa Camp Sawi, ang pelikula ng Viva Films na napanood sa mga sinehan noong Agosto 24, 2016.
Si Rico ang leading man ni Sue Ramirez sa Project Baby, ang romantic-comedy movie na mula sa panulat ni Jose Javier Reyes at direksiyon ni Eric Quizon.
Nakatakdang ipalabas ang Project Baby sa mga sinehan simula sa Hunyo 10, 2026.
Ito ang kasunod ng Almost Us, ang launching movie ng loveteam nina JM Ibarra at Fyang Smith, na produksiyon din ng Regal Entertainment na Mayo 6, 2026 ang theatrical release.
Marami ang nasorpresa nang ilabas ng Regal ang teaser ng Project Baby noong Miyerkules, Abril 22, dahil hindi napabalitang may pelikulang ginagawa si Rico para sa nabanggit na movie company.
Positibo ang mga feedback sa nakakaaliw na trailer ng Project Baby, na tungkol sa isang babaeng nagnanais magkaroon ng anak pero ayaw nang relasyon.
Ang karakter ni Rico ang natipuhang alukin ni Sue bilang “babymaker.”
Ikinukumpara si Rico ng kanyang mga tagahanga kay Keanu Reeves dahil sa diumano’y pagkakahawig sa American actor ng singer-actor sa mga eksena nito sa teaser ng Project Baby.
Read: Lotlot de Leon's camp breaks silence on issue with brother Ian de Leon

REGAL ON GETTING RICO BLANCO FOR PROJECT BABY
Sa panayam ng Cabinet Files kay Regal Entertainment, Inc. producer Roselle Monteverde ngayong Biyernes, Abril 24, inilahad niya ang back story tungkol sa kanyang interes na bigyan ng proyekto si Rico.
“Si Rico, noong 2014, pinuntahan ko pa siya sa isang show. Matagal na, gusto ko siyang kunin for Shake, Rattle & Roll, para sa isang role.
“Tapos, hindi naman bumalik.
"Fast forward, ito na nga. Parang, 'Sino pa ba ang puwedeng maging partner ni Sue na hindi pa niya nakakapareha? Saka interesting naman.'
“So, nag-offer uli ako kay Rico. Nag-pitch ako sa kanya saka ang creative ng Regal. Nagustuhan niya agad,” kuwento ni Roselle.
Puring-puri ni Roselle ang work ethics ni Rico.
Saad niya: “He’s very collaborative. Ang bilis katrabaho.
"Sabi nga ni Eric Quizon, ‘He’s so natural.’
“Tahimik na ginawa yung pelikula. Halos every other day ang shoot.
"Dire-diretso ang schedule. Nag-shoot din kami sa Balesin Island."
Read: Alfred Vargas' wife files 20 counts of cyber libel vs Rob Sy's partner