Nabigo si Susan Enriquez na malaman ang katotohanan at ang buong kuwento tungkol sa road-rage incident na nangyari sa North Luzon Expressway noong Pebrero 2026.
"Nilaro" lamang ng aktor at Bulacan governor na si Daniel Fernando ang mga sagot sa kanyang panayam na mapapanood sa Kay Susan Tayo Vlogs sa YouTube.
Sangkot sa kontrobersiyal na road-rage incident si Daniel at ang presidential son na si Vinny Marcos.
Sa panayam sa kanya ni Susan, pinanindigan ng gobernador ang kanyang hindi pagsasalita tungkol sa isyu.
Paulit-ulit na sabi niya: "Ma’am, huwag na nating pag-usapan yan.
“Ma’am, alam naman ng Bulakenyo at nasabi ko na po yung reason ko na let the Malacañang… yun na lang pahayag ng Malacañang, pahayag ng LTO, sabi ko, yun ang igalang natin.
"Okay na yan. Basta alam ng Bulacan kung sino si Daniel Fernando.”
Kumalat noon ang balita na, diumano, sinaktan si Daniel ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Nang magtanong si Susan tungkol dito, ”Ma’am, huwag na nating pag-usapan yan,” iwas na naman ni Daniel.
Wala ring reaksiyon ang gobernador sa sinabi ni Remulla na, “It doesn’t matter if it was a presidential son or not. Naging ugali na ni Governor Fernando na kapag nabiyahe siya ng NLEX ay apat na lane ang occupied niya na walang puwedeng mag-overtake.”
Inulit ni Daniel ang deklarasyong “Huwag na nating pag-usapan yan” nang mag-usisa si Susan kung nagkita na sila ni Remulla pagkatapos lumitaw ang balitang pisikal umano siyang sinaktan ng DILG secretary.
“E, huwag nang pag-usapan yan,” ani Daniel.
Iginiit niyang “okay naman” ang relasyon nila ni Remulla at hindi pa sila nagkikita.
Hindi pa rin nagpaawat si Susan sa pagtatanong: “Kung fake news yun, meron ka bang gustong itama sa NLEX story na yan?”
Ulit ni Daniel: “Ma’am, basta Ma’am, alam ng Bulacan kung sino si Daniel Fernando.
"Dun lang ako ii-stick. Alam nila yan. Alam nila yan, Ma’am.
“Basta si Daniel Fernando, alam nila kung sino yung ugali.
"Alam nila kung ako ba ay ganoon. Kung ako ba ay abusado o hindi.
"Alam po nila yon. Dun lang po ako tututok."
Read: Daniel Fernando, nagsalita na tungkol sa road rage incident

DANIEL FERNANDO ON BEING LINKED TO KIM RODRIGUEZ
Sa edad na 63 ay nananatiling binata si Daniel.
Ang pagkakaroon ng karelasyon at ang pagkakaugnay niya sa aktres na si Kim Rodriguez ang sumunod na inimbestigahan ni Susan kay Daniel.
"Ewan ko, Ma’am, hindi ko alam yan. Ni-link nila nung eleksyon.
"Ang daming paninira sa akin, e. Binigyan ko raw ng kotse. Binigyan ko raw ng ganito.
"Hindi naman totoo," pagtanggi ng gobernador.
Inamin ni Daniel na kilala nito si Kim dahil artista, pero hindi raw niya ito naging girlfriend.
Pinabulaanan din ni Daniel ang balitang binigyan niya ng sasakyan at diamond ring ang isang radio news anchor na nauugnay rin sa kanya, pero hindi pinangalanan ni Susan.
“Hindi naman totoo lahat yan, Ma’am. Puro mga tsismis lang yan,” depensa niya.
Ipinauubaya na lang daw ni Daniel sa Diyos ang mga magaganap sa kanyang buhay, tulad ng planong pag-aasawa.
“Bahala na ang Diyos. Ang lahat kasi ng galaw ko sa buhay, ipinapasa-Diyos ko,” sabi ng politiko.
Read: Remulla, itinangging binantaan si Bulacan Gov. Daniel Fernando