Biktima ng riding tandem na Basag Kotse ang aktor na si Andrew Muhlach.
Nangyari ang krimen sa harap ng Mariana Heights Village sa 8th Street, New Manila, Quezon City, noong Sabado ng gabi, Abril 25, 2026.
Kagagaling lamang ni Andrew sa Thailand noong araw na iyon.
Pero imbes na umuwi ng bahay, nagpunta muna siya sa bahay ng kanyang kaibigang direktor sa Mariana Heights.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, inilahad ni Andrew na 10:30 P.M. nang dumating siya sa tahanan ng binisita niyang kaibigan.
“Nagparada ako ng sasakyan sa labas ng village gate," simula ng Viva actor.
"Pagdating ko, nagpa-deliver ako ng kape, so mga 25 to 30 minutes yon. And then, paglabas ko, nakita ko ang kotse ko, basag ang salamin."
Sinabi rin ni Andrew ang mga laman ng kanyang sasakyan.
“Isang maleta ang nasa kotse ko, puro mga damit. Isang sling bag, nandoon yung mga passport ko, Spanish at Philippine passports ko.
“I think may isa akong ATM card na naiwan sa sling bag, cash na konti lang naman.
“Siyempre, nag-panic ako. Nagsabi at humingi ako ng tulong sa security guard.
"Pati sa kaibigan na direktor at mama ko, humingi ako ng tulong. So, yung mom ko, tumawag ng mga pulis.
"Pumunta ang mga pulis, nag-imbestiga, dinala ako sa Station 11 precinct ng Quezon City. Inasikaso ng mga pulis.
"Maraming-maraming salamat sa mga pulis dahil gabi na yon. Actually, nakuha ko ang police report, mga 3 A.M. na [Linggo, Abril 26].
“Ang daming nangyari. Nagpapasalamat ako sa mga pulis dahil noong umaga, pumunta pa sila sa bahay namin para interbyuhin ako.”
Read: Mayor Vico Sotto to teach at a university after his term ends in 2028
ANDREW MUHLACH'S PASSPORTS FOUND IN DRAINAGE
Masuwerte si Andrew dahil natagpuan ang kanyang mga passport na kabilang sa mga gamit niyang tinangay.
Nang ibahagi ni Andrew sa Facebook page nito kahapon, Abril 26, 2026, na biktima siya ng Basag Kotse, isang netizen ang nagpadala sa kanya ng mensahe na nakita raw sa drainage ang mga passport niya.
Kinumpirma ni Andrew sa Cabinet Files na naibalik sa kanya ang Spanish at Philippine passports niyang ninakaw ng mga kriminal.
Saad niya: “Tumawag uli sa akin ang mga pulis noong Linggo ng umaga. Parang may nakakita somewhere in Manila, yung mga passport ko. Ibinalik daw sa barangay.
“Pinuntahan ng mga pulis. Kailangan daw kausapin ako ng kagawad, nagpa-picture pa nga sila.
"Ibinigay nila sa akin yung Spanish at Philippine passports ko, pero yun pa lang ang nakikita."
Siguradong-sigurado raw si Andrew na maleta niya ang dala-dala ng mga kriminal na nahagip ng CCTV.
“Lumabas sa news na parang nakita sa CCTV footage na may dalawang lalakeng sakay ng motorsiklo na kulay puti. May hawak silang pulang maleta.
“Malamang sa akin yon, 101 percent.
"Siguro meron na silang idea kung sino yon, kasi yung CCTV sa Mariana Heights, merong CCTV na katapat.
"Ang kaso, yung CCTV sa street na yon, parang hindi gumagana.”
Dahil sa kanyang personal na karanasan, pinayuhan ni Andrew ang publiko na mag-ingat mabuti para maiwasang maging biktima ng masasamang-loob.
“Dobleng ingat lang," pakli niya.
"Ang hilig din natin mag-park sa mga gilid ng kalsada. Parang tinamad lang ako na ipasok yung sasakyan dahil may paradahan sa labas ng village.
“E, may maleta ako sa kotse. Siguro takaw-tingin. Mag-doble ingat lang talaga.
“Huwag maglagay at mag-iwan ng importanteng gamit sa loob ng sasakyan. Kung importante, dalhin na ninyo.”
Read: Matty Juniosa nakamit ang second golden buzzer; pasok na sa grand finals ng Britain's Got Talent