Sa tulong ng mga pulis ng Station 11 ng Galas, Quezon City, at ng mga CCTV sa kalye, nakilala na ang mga suspek sa pagnanakaw sa aktor na si Andrew Muhlach sa insidente ng Basag-Kotse na nangyari sa harap ng Mariana Heights Village sa 8th Street, New Manila, Quezon City, noong Sabado ng gabi, Abril 25, 2026.
Sa panayam ng Cabinet Files kay Andrew ngayong Miyerkules, Abril 29, tiniyak niya ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga suspek.
Malinaw na nakita ang mukha ng suspects sa mga CCTV footage na kinalap ng mga pulis kaya nalaman ang kanilang mga pangalan.
Lahad ni Andrew sa Cabinet Files: “Nagpunta po sa bahay ang mga police natin at kinausap ko thru phone ang police district director natin sa Quezon City.
“Ipu-push ko po ang kaso para matigil o mabawasan man lamang yung mga ganitong pangyayari dahil palala nang palala.
“Kitang-kita sa video ang kumuha ng mga gamit ko, pati kung paano nila itinapon sa drainage ang mga passport ko.
"Kitang-kita ang kanilang mga mukha at alam na rin ang mga pangalan nila.
Pinasasalamatan ni Andrew ang lahat ng mga tumulong para matukoy ang mga bumasag sa bintana ng kanyang kotse at nagnakaw sa mga gamit niya.
Read: Andrew Muhlach, nabiktima ng Bukas-Kotse gang
THE BASAG-KOTSE INCIDENT
Kararating lamang ni Andrew mula sa Thailand noong Sabado, at pinuntahan niya para bisitahin ang kanyang kaibigang direktor na nakatira sa Mariana Heights Village.
Dala ni Andrew ang kanyang maletang ginamit sa Thailand.
Ang maleta ay naglalaman ng mga damit na iniwan sa loob ng sasakyan, kabilang ang sling bag na naglalaman ng ATM card, pera, at Spanish at Philippine passports ng aktor.
Naibalik kay Andrew ang kanyang mga passport na itinapon sa isang drainage sa Maynila, pero hindi na nabawi ang maleta at sling bag niya.
“Hindi na na-recover yung mga bag ko. Passports lang na mabuti, hindi nabasa.
“Grupo na gumagamit ng iba’t ibang mga motorsiklo ang mga magnanakaw. Ang lalakas ng loob nila, hindi na nahiya.”
Nagpapasalamat si Andrew kina Police Captain Bobby Castillo, P/Cpl Kent Clarence Duerme, at P/LTCol Virjilio Jopia dahil sa pagtutok sa reklamo niya kaya nakilala agad ang mga sangkot sa pagbasag sa bintana ng kanyang kotse at pagnanakaw sa mga gamit niya.
Read: Joey de Leon, binatikos ng loyal Kapamilya fans dahil sa "wala na nga yung abs" joke
