Viral ngayon sa social media ang video ng malaking grupo ng mga Pilipinong kinakanta ang Pambansang Awit ng Pilipinas sa isang party.
Napag-alamang kuha ang nasabing video sa isang rave party sa Amerika noon pang Disyembre 2025, ngunit ngayon lamang kumalat sa social media at napagtuunan ng atensiyon ng publiko.
Ayon sa mga nakapanood ng video, malinaw na paglabag ito sa Republic Act No. 8491, o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Pero dahil naganap sa Amerika ang insidente, hindi saklaw ng batas sa Pilipinas ang ginawang “bastardization" ng mga nasa video sa "Lupang Hinirang."
Read: DonBelle confirms break from loveteam after Tayo Sa Wakas
NATIONAL HISTORIC COMMISSION OF THE PHILIPPINES ISSUES STATEMENT
Kaugnay nito, naglabas ng pahayag at paalaala ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para sa lahat.
Nasa wikang Ingles at wikang Pilipino ang pahayag ng pamunuan ng NHCP para maunawaan din ng mga dayuhan ang wastong paggamit at pag-awit ng
"Lupang Hinirang."
Nakasaad sa statement ng NHCP: “Nakatanggap ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) kamakailan ng mga sumbong tungkol sa isang short-form video reel na naka-upload sa iba’t ibang mga social media platform kung saan mapapanood ang ilang mga nagkakasiyahang mga tao na inaawit ang Pambansang Awit ng Pilipinas sa hindi angkop na pamamaraan sa isang 'outdoor rave party.'
“Hindi pa namin matukoy kung saan ang tiyak na pinagmulan ng naturang video, ngunit batay sa aming pagsisiyasat sa ilang mga lead sa social media ay naganap diumano ang naturang kasiyahan noong nakaraang Disyembre sa Estados Unidos.
“Sa kadahilanang walang bisa ang mga batas ng Pilipinas sa labas ng bansa, hindi magagawan ng NHCP ng karampatang legal na aksyon ang naturang insidente.
“Gayunpaman, pinaaalalahanan ang mga pamayanang Pilipino sa ibayong dagat na ang mga opisyal nating mga pambansang sagisag tulad ng Pambansang Watawat, Pambansang Awit at ang Escudo-de-Armas at Dakilang Sagisag ng Republika ay protektado mula sa hindi wastong paggamit alinsunod sa Batas Republika Blg. 8491 (ang Flag and Heraldic Code of the Philippines).
"Partikular na nakasaad sa Seksyon 37 at 38 ng naturang batas na ang Pambansang Awit ay (1) Tutugtugin o aawitin alinsunod sa balangkas at areglo ni Julian Felipe lamang at (2) Iipinagbabawal na tugtugin o awitin bilang libangan o pang-aliw.
“Naninindigan ang NHCP na ang pagpapahayag ng pag-ibig sa sariling bansa ay bunsod ng tapat at malinis na hangarin.
“Habang ang pagiging makabayan ay maaaring ipamalas sa iba’t ibang pamamaraan, ito ay dapat isagawa ng may karampatang hinahon at ingat, nakabatay sa umiiral na mga batas at pang-unawa sa kultura, sapagkat ang pagiging padalus-dalos sa ating kilos at gawi ay maaring makapagdulot ng maling impresyon o di kaya’y makasakit ng damdamin, kahit na ang hangarin ay mapukaw ang damdamin ng ating mga kababayan.
“Ang Kalayaan at mga karapatang tinatamasa natin sa kasalukuyan ay nakamit sa pagbubuwis ng dugo, pawis at luha ng ating mga bayani.
“Tungkulin natin, bilang pagpapahalaga sa pamanang ito, ang maging responsable sa ating pagganap sa kalayaang ito.”
Read: Joey de Leon, binatikos ng loyal Kapamilya fans dahil sa "wala na nga yung abs" joke
Narito ang statement ng NHCP sa wikang Ingles:
