Nadamay ang pangalan ni Leyte Fourth District Representative Richard Gomez sa isyu sa pagitan nina Batangas First District Representative Leandro Leviste at Executive Secretary Ralph Recto.
Ito ay dahil sa impormasyong ibinahagi ni Iloilo First District Representative Janette Garin sa panayam sa kanya ng DZMM noong Miyerkules, Mayo 6, 2026.
Ikinuwento ni Garin galit na galit umano si Gomez pagkatapos ng privilege speech sa Kongreso ni Leviste na inatake nang husto si Recto noong Martes, Mayo 5.
Ilang beses daw kasing sinubukan ni Leviste na lapitan si Gomez nang matapos ang kanyang privilege speech.
Lahad ni Garin: “Gaya nga nung kagabi, galit na galit si Congressman Goma, Congressman Richard Gomez.
"Nilalapitan niya [Leviste] so umiiwas [si Gomez]. Nilalapitan niya. Parang he was amused kasi bakit daw napikon.
"Kaya ang sabi ko [kay Leviste], 'Huwag mong lapitan, baka masuntok ka niyan.'
“Nagpipigil, e, kitang-kita mo na pigil na pigil lang si Goma.
“Siyempre, sabihan ka ba naman ng mga alegasyon at akusasyon, although binawi nga niya [Leviste]."
Hindi nilinaw ni Garin kung bakit "napikon" si Gomez kay Leviste.
Ngunit posibleng may kinalaman ito sa pagiging malapit ng actor-politician sa misis ni Recto na si Vilma Santos-Recto, na idinawit ni Leviste sa kanyang mga alegasyon.
Ayon kay Garin, ipinaliwanag umano ni Leviste kalaunan na nais lamang nitong linawing biro lang ang ilang pahayag niya.
Gayunman, pinayuhan daw niya si Leviste na palamigin muna ang sitwasyon upang hindi na ito lumala.
Lahad ni Garin: “Sabi niya, kaya siya lumalapit because he wanted to tell na, ‘Hindi, joke lang yon.’
“Pero nangyari na, e. Kaya sabi ko, 'Let things cool down kasi siyempre kapag galit yung tao, tapos pupuntahan mo pa, iinisin mo pa, lalong lalala yan. There has to be proper decorum.'”
Read: Vilma Santos posts cryptic “bad seed” message amid Leandro Leviste issue
LEVISTE STRONG ALLEGATIONS AGAINST RECTO
Sa kanyang privilege speech noong Martes, Mayo 5, 2026, inakusahan ni Leviste si Recto na sangkot umano sa korapsyon.
Ayon kay Leviste, kasabwat umano ni Recto si Construction Workers Solidarity (CWS) party-list representative Edwin Gardiola.
Inalok daw siya nina Recto at Gardiola na maging partner sa pagtukoy ng mga lugar sa Batangas na gagawan ng road-opening projects ng DWPH.
Dawit din sa privilege speech ni Leviste ang asawa ni Recto na si incumbent Batangas Governor Vilma Santos at stepson na si Luis Manzano.
Inakusahan ni Leviste na si Gardiola umano ang nagpondo sa kampanya nina Vilma at Luis noong 2025 elections.
Tumakbo si Luis bilang bise-gobernador ng Batangas ngunit natalo siya.
Sa panayam niya sa DZMM, sinabi ni Garin ang aksyong ginawa niya matapos marinig ang mga personal na pag-atake at wala umanong basehang paratang ni Leviste laban kay Recto at sa pamilya nito.
“May tumayo at biglang nagsabi na that his whole speech be stricken off the record.
"And ako naman, ipina-amendya ko yon dahil sabi ko naman, if it can be amended na ma-strike out sa records yung mga bagay-bagay na walang basehan.
“So, ang motion noon is to strike out the records ng plenaryo yung baseless accusations na talagang walang basehan.
"Kasi, di ba, yung mga ina-allege niya, e, ito ang nagpondo ng kampanya ni ganito.
“Hindi mo na nga maintindihan. He used the plenary as a medium to have an outburst dun sa mga hinanakit niya."
Hinimok din daw ni Garin si Leviste na magsumite ng pormal na reklamo o humiling ng pormal na imbestigasyon kung totoong may may mga ebidensiya siya upang suportahan ang kanyang mga alegasyon.
“Kaya nga hanggang nung gabi, kinakausap namin si Cong. Lean, 'Mag-file ka ng kaso kung meron kang hinahawakan or ipaimbestiga mo or kung yung galit mo kay CWS party-list, dun lang.
“'E, kung yung galit mo naman kay ES [Executive Secretary Ralph Recto], ano ang galit mo?'
"You cannot just demand for the resignation of the person kasi ayaw mo [sa kanya]. Hindi kasi puwede yung ganoon,” saad ni Garin.
Wala pang pahayag sina Gomez at Leviste kaugnay ng pahayag ni Garin.
Read: Recto reveals Leviste's alleged PHP1B bribe attempt for Vilma to withdraw from 2025 elections