Naganap ngayong Linggo ng gabi, Mayo 10, 2026, ang Coronation Ball ng The Miss Philippines sa City of Dreams Manila, Parañaque City.
Walong korona ang ipinagkaloob sa mga kababaihang magiging kinatawan ng ating bansa sa iba’t ibang mga international beauty pageant.
Ang walong titles: Miss Supranational Philippines 2027, Miss Eco Philippines 2027, Miss Cosmo Philippines 2026, Miss Charm Philippines 2026, Miss Tourism World Philippines 2026, Miss Worldwide Philippines 2026, Miss Teen Universe Phillipines 2026, at Miss Eco Teen Philippines 2026.
Pinili mula sa mga kandidata na lumahok sa Miss Universe Philippines 2026 na ginanap sa Mall of Asia Arena noong Mayo 2, 2026 ang pinagkalooban ng mga korona at beauty title sa idinaos na Coronation Ball.

Read: Miss Universe Philippines 2026 winning answer
THE MISS PHILIPPINES 2026 TITLEHOLDERS
Miss Supranational Philippines 2027 ang korona ni Allyson Hetland ng Pampanga, Miss Eco Philippines 2027 si Jenrose Javier ng Sultan Kudarat, Miss Cosmo Philippines 2026 si Bella Ysmael ng Taguig City, Miss Charm Philippines 2026 si Apriel Smith ng Cebu, at Miss Tourism World Philippines 2026 si Marian Arellano ng Tarlac.

Kauna-unahang Miss Worldwide Philippines 2026 si Nicole Borromeo ng Cebu, Miss Teen Universe Philippines 2026 si Catherine Wardle ng Samar Island, samantang Miss Eco Teen Philippines 2026 si Trexy Roxas ng Iligan.

Nagsilbi rin bilang send -off para kay Gabriella Carballo ang Coronation Ball ng The Miss Philippines dahil lilipad na siya sa Egypt para sa Miss Eco International 2026 na magaganap mula Mayo 13, 2026 hanggang Mayo 23, 2026.

Si Alexie Brooks ng Pilipinas ang reigning Miss Eco International kaya isang back-to-back win ang inaasahan ng Filipino beauty pageant fans.
Hindi lamang ang koronasyon ng mga nabanggit na beauty queen ang nangyari sa Coronation Ball dahil opisyal na ipinakilala si Enzo Bonoan bilang Mister Cosmo Philippines 2026.
Ang Vietnam ang host country ng Mister Cosmo 2026 na magaganap sa Setyembre 2026 at si Bonoan ang opisyal na kandidato ng Pilipinas sa nabanggit na patimpalak.