Nag-trend sa social media ang veteran at multi-awarded news anchors na sina Mel Tiangco at Karen Davila dahil sa paraan ng pagtatanong nila kay Senator Ronald "Bato" dela Rosa sa magkahiwalay na panayam nitong Martes ng gabi, Mayo 12, 2026.
Sa Kapuso primetime news program na 24 Oras, inusisa ni Mel si Dela Rosa tungkol sa mga katanungan ng publiko na naghihintay ng kasagutan.
Anim na buwanng hindi nagpakita sa Senado at nagtago si Dela Rosa mula nang mapabalita noong Nobyembre 2025 na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang International Criminal Court.
Ito ay dahil sa partisipasyon niya umano sa war on drugs at crime against humanity na ibinibintang kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na mahigit isang taon nang nakabilanggo sa The Hague, Netherlands.
Read: Pro-Duterte senators oust Senate President Sotto; Bato surfaces
MEL TIANGCO GRILLS SENATOR BATO DELA ROSA
Kabilang sa diretsahan at prangkahang mga tanong ni Mel kay Dela Rosa: “Senator, matagal kayong hindi pumasok, e. Anim na buwan kayong nawala sa Senado, hindi po ba? Senator, sabihin ninyo nga sa amin, e, bakit nga ba? Bakit nga ba hindi kayo pumasok ng anim na buwan at bigla na lang kayong sumulpot kahapon diyan sa Senado?"
“Senator, ang plano ninyo, e, mananatili kayo diyan sa Senado, correct? Hanggang kailan po ba ang plano ninyo? Hanggang kailan? Puwede po ba yon na habambuhay na lang kayong mananatili diyan?"
“Senator, meron pong mga ibang nagsasabi na mali yung ginawa ng Senado na kinupkop kayo diyan. Hindi daw po tama. E, anong gagawin ninyo kung sakali ngang sabihin na hindi kayo pupuwede diyan?"
“Pero kung talagang kailangan na, kayo ba ay puwede ring sumama na walang gulo, walang problema, sasama na kayo kapag nakitang lehitimo ang warrant of arrest senator? Puwede ba yong mangyari?"
“May mensahe po kayo kanina kay Pangulong Marcos na mag-isip-isip siya, baka mangyari din sa kanya yang nangyari sa inyo ngayon. Ano ba ang pakahulugan ninyo diyan? Para ba kayong nananakot o may banta, or what’s that supposed to mean, Senator?”
Tumanggap si Mel ng mga papuri dahil sa kanyang mga katanungan na tanong at sentimyento rin ng mga Pilipino tungkol sa ikinukumpara sa circus na mga kaganapan sa Senado noong Lunes, Mayo 11, at Martes, Mayo 12.
Para sa maraming netizens, hindi nakapagbigay ng malinaw na paliwanag si Dela Rosa sa mga katanungang ito.
Read: Robin and Kiko clash during heated Senate exchange

KAREN DAVILA QUESTIONS DELA ROSA
Bukod kay Mel, “woman of the hour” din para sa netizens si Karen Davila dahil sa panayam niya kay Bato Dela Rosa sa Kapamilya news program na TV Patrol kagabi rin.
Diretsahang tinanong ni Karen si Dela Rosa tungkol sa obserbasyon ng maraming netizens na kung noon ay matapang ang mga salita ng senador, kahapon ay nasaksihan ang pagtakbo at pag-iyak niya sa Senado.
“Ito, reaksiyon ng ilan sa social media, ang tapang-tapang niyo po daw noon. Nung kayo ay PNP chief sa ilalim ni dating Pangulong Duterte.
“Tapos yan, eto kayo tumatakbo, umiiwas sa mga pulis, umiiyak sa Senado, takot na takot kayo. Anong reaksiyon niyo po dun?” tanong ni Karen.
Tila maamong tupang sagot ni Dela Rosa: “Hayaan mo na sila. They’re entitled to their own opinion.
"Sige lang, kung yan ang tingin nila sa akin, go ahead. Wala po akong… opinyon ninyo yan.”
Sunod na tanong ni Karen: “Kumbaga, ang itinawag na po sa inyo ay duwag daw po kayo, Senator. Yun po ang lumalabas ngayon. Ang iba po kasi ninyong kasamahan ay kusa silang nag-surrender.”
Sagot ni Dela Rosa: “Kusang nag-surrender. Sinasabi ko naman yan noon na ayokong madala dun sa The Hague.”

DELA ROSA'S OLD POSTS AND STATEMENT RESURFACE
Ang sagot ni Dela Rosa kay Karen ang nagpaalala sa publiko sa mga salitang binitiwan niya noong Marso 2025, na handa siyang sumama kay Duterte sa The Hague.
Saad ni Dela Rosa sa kanyang Facebook post noon: “If all legal remedies are exhausted and still justice is to no avail, then I don’t want my family to suffer from cops looking for a heartbeat. I am ready to join the old man hoping that they would allow me to take care of him.”

At sa panayam sa kanya ng GMA News noon, sinabi ni Dela Rosa, “Magpapaaresto ako kapag may arrest warrant na. Paano nila ako entertain doon kung sarado pa? Hindi ko pa papasukin doon. Kung meron, ready ako.“

Pero iba ang nangyari noong Lunes dahil hinabol siya ng mga tauhan ng NBI sa loob ng gusali ng Senado.
Malinaw na nakita sa inilabas na CCTV footage na nadapa ang senador sa baitang ng hagdan habang tinutugis ng mga tauhan ng NBI.
Read: Robin to file ethics complaint; Kiko claims Robin threatened him