Maihahalintulad sa nangyari na kaguluhan sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13, 2026, ang pagsulpot ng mga "armadong kalalakihan" sa media conference ng Task Force Firewall.
Ginanap ang mediacon sa Studio 6 ng GMA Network Annex building sa Quezon City nitong Martes ng hapon, Mayo 19.
Sina Kylie Padilla, Kyline Alcantara, Buboy Villar, Jak Roberto, at Miguel Tanfelix ang mga pangunahing bida sa Task Force Firewall.
Agad silang kumilos at nakipaglaban para "mailigtas" ang mga bisita sa presscon mula sa staged scenario ng mga armadong kalalakihan.
Kabilang ang host ng presscon na si Betong Sumaya sa mga tinangay ng "masasamang loob."
Kahit alam niyang scripted ang eksena, natatawang sinabi ni Betong, “Ang hirap kumita…”
Ang Task Force Firewall ang tech-driven action-drama series ng Kapuso Network na mula sa direksyon ni Rico Gutierrez.
Read: Andrea del Rosario reacts to being tagged "person of interest" over photo with Bato dela Rosa
KYLIE PADILLA'S FIRST TIME RAPPELING FROM GMA BUILDING
Ang rappelling o pagbaba mula sa 17th floor ng GMA Network building ang itinuturing ni Kylie na isa sa mga bagong ginawa niya para sa programa ng GMA-7 na mapapanood simula sa Lunes, Mayo 25, 2026.
Saad ng Kapuso actress: “Bata pa lang po ako, nagte-training na ako with the harness, kung paano gamitin ang harness nang tama. Pero first time kong bumaba mula sa building.
“Ang masasabi ko, nakakatakot po siya. Pero nagawa namin nang maayos and ang gandang tingnan kapag napanood ninyo na po.
"I am super proud of myself. That’s new.
"And also, first time ko makakatrabaho si Miguel, at buddy cop ang relationship namin. Ang ganda rin ng chemistry namin on screen.
“Mahusay siyang artista. I’m really, really happy working with him and siyempre, the rest of the cast.”
Read: Senator Robin Padilla dodges questions on role in Bato dela Rosa’s escape
BIG CHALLENGE FOR MIGUEL TANFELIX
Malaking hamon naman para kay Miguel ang Task Force Firewall dahil ngayon lamang niya nasubukang magkaroon ng isang hard-action project.
“First time kong mag-hard action pero dahil willing naman akong magpakapagod sa set, nandiyan naman yung guidance nina Direk, ng aming stunt team, at ng aking kapartner na si Kylie.
“Kumbaga, yung challenge na yon, nababawasan. Mas nagiging enjoyable yung buong process na yon.
“As an actor naman, yung character ko, medyo tricky siya dahil iba yung ipinapakita niya sa labas, pero iba yung nararamdaman niya sa loob na sumasalamin sa maraming tao.
“For sure, ganyan din kayo. Iba yung ipinapakita ninyo sa pamilya ninyo, sa friends ninyo. Pero deep inside, malungkot kayo.
"Very relatable yung character na yon, and challenge din dahil kailangan mahanap ko yung sweet spot, yung balance,” paliwanag ni Miguel.
Hiningi muna ni Miguel ang permiso ni Direk Rico Gutierrez bago niya ipinagtapat na may konekisyon ang karakter ni Galo Villareal sa Task Force Firewall sa papel na kanyang ginampanan sa pilot episode ng The Master Cutter, ang action-drama series ng GMA-7 na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.

“Yung karakter ko dito, e, merong PTSD [Post-Traumatic Stress Disorder] kasi galing nga siya sa military.
"At nakita ninyo sa The Master Cutter si Galo, same character po yon. Magkadugtong sila.
"A few years ago lang yung Master Cutter so maraming naging experiences si Galo sa pagiging military niya.
"At dala-dala niya yung trauma na yon hanggang sa mag-retire siya at mahanap niya yung pamilya sa PBI [Philippine Bureau of Investigation].”
Read: Kaye Abad makes a revelation on 44th birthday: "I'm cancer-free."