Sa gitna ng mga negatibong pangyayari ngayon sa Pilipinas, nakakita ng pag-asa sa sangkatauhan ang Kapuso singer na si Anthony Rosaldo.
Ito ay matapos ibinalik ng may mabuting kalooban ang kanyang pitaka na nawala nang sumali siya sa Sparkle Run na ginanap sa Quirino Grandstand, Maynila, noong Sabado, Mayo 30, 2026.
Nasubaybayan ng Cabinet Files ang panawagan ni Anthony dahil ibinahagi niya sa pamamagitan ng isang social media post ang kanyang paghahanap sa pitakang nawala.
“Nalaglag ko wallet ko kanina sa parking after ng Sparkle Run. Baka meron po nakapulot sa inyo? Pa-message na lang. God bless! Thank you po!” mensahe ni Anthony ilang oras matapos ang Sparkle Run.
ANTHONY ROSALDO'S LOST WALLET RETURNED
Ngayong Miyerkules, Hunyo 3, ibinalita ni Anthony sa kanyang social media account na walang labis at walang kulang na naibalik ang kanyang pitaka.
Kaya lubos ang pasasalamat niya sa isang Jackielyn Perez Nayangga.
Lahad ni Anthony (published as is): “Hindi lang siya basta wallet for me.
"Yes, may value siya given that it is branded, pero mas nangibabaw talaga yung sentimental value because I just bought it during my recent trip to Japan. It reminded me of a very happy memory I wanted to keep with me everyday.
“Nandoon din yung mga ATM cards, credit card, ID, and important things na sobrang hassle kapag nawala.
"That day, I posted on Facebook hoping na baka may mabuting taong nakapulot."
Sa kabila nito, inamin ni Anthony na sumagi sa isip niyang hindi na maibabalik ang kanyang wallet lalo na sa panahon ngayon.
Ngunit kinabukasan daw ay may nag-message sa kanyang estranghero at sinabing nakita ang wallet niya—nang kumpleto.
Saad niya: “To be honest, habang iniisip ko yung pagkawala, napapaisip din ako na baka hindi ko na talaga makita ulit kasi sa panahon ngayon, ang dali mawalan ng tiwala sa tao. Ang dali isipin na 'wala na yan.'
“But the next day, May 31 at night, may nag-message sa akin, a stranger. Sinabi nila na nakita nila yung wallet ko.
"Hindi nila ako personally kilala, pero nakilala nila ako from TV and they took the effort to search for me on Facebook para maibalik yung wallet.
"Hindi nila itinago. Hindi nila ginalaw. Hindi nila pinag-interesan.
“And on June 1, finally nakuha ko ulit yung wallet ko. Complete.Safe. Buong-buo.”
Read: Royce Cabrera recovers stolen bag, puzzled by stolen items
ANTHONY'S FAITH IN HUMANITY RESTORED
Bumalik daw ang tiwala ni Anthony sa sangkatauhan dahil sa kanyang personal na karanasan.
“Honestly, hindi lang relief yung naramdaman ko," sambit niya.
"It felt like God was reminding me that even in a world full of negativity, greed, and bad news, marami pa ring mabubuting tao. Tahimik lang sila.
“Hindi sila maingay pero sila yung tunay na nagbibigay pag-asa sa mundo.”
Maluwag daw sa loob na nagbigay ng pabuya si Anthony sa taong nagpakita sa kanya ng kabutihan.
Mensahe pa ng singer: “Parang God aligned everything perfectly. Yung simpleng pagkawala ng wallet ko became an opportunity for me to also help and bless someone else.
“This whole experience reminded me of something very important: Kindness still exists. Honesty still exists. Good people still exist.
“At sana huwag tayong mapagod maging mabuti kahit minsan parang unfair ang mundo. Kasi every act of kindness creates a ripple effect. Hindi mo alam kung gaano kalayo ang maaabot ng isang mabuting ginawa mo.
“And sana, sa lahat ng makakabasa nito, maging reminder ito: If you have the chance to do good, do it. If you have the chance to help, help. If you have the chance to be honest, choose honesty.
"Because kindness is contagious. And the world needs more of it.”