May walong anak ang aktres na si Nadia Montenegro.
Sa kanyang pamilya, siya ang pinakahuling nagtapos ng high school, isang matagal na pangarap niyang natupad lamang noong Marso 2026.
“Brooke Shields of the Philippines” ang bansag kay Nadia nang pumasok siya sa showbiz.

Labing-isang taon ang edad niya nang pumirma siya ng build-up contract sa Regal Films.
Ang unang pelikula niya ay ang 14 Going Steady noong 1984.

Dahil sa hectic showbiz schedule, hindi na siya nakatungtong ng high school.
Hanggang Grade 7 lang ang educational attainment niya.
Read: Get to know Nadia Montenegro's children
IT'S NEVER TOO LATE
Pero pinatunayan ni Nadia na hindi pa huli para magkaroon ng high school diploma.
Nagkaroon ito ng katuparan sa edad na 54 sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) program ng Department of Education.
“Nag-start ako mag-artista, 11 years old. So, grade school lang ako, Grade 7,” umpisang kuwento ni Nadia nang makausap siya ng Cabinet Files sa special screening ng Bad Boy 3 sa Gateway Mall Cinema noong Huwebes, Hunyo 4, 2026.
“Promise ko sa sarili ko yon na bago matapos ng pag-aaral ang bunso ko, magtatapos ako.
“Ayokong ma-experience nila yon. Gusto ko meron silang panghahawakan.”
Alam daw ni Nadia ang kahalagahan ng edukasyon kaya sinuportahan niya ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
Dahil high school graduate na siya, may plano si Nadia na ipagpatuloy ang pag-aaral dahil kasama sa mga pangarap niya ang magkaroon ng college degree.
“Siyempre, dun sa line ko. Hindi ko na papahirapan ang sarili ko, 54 na ako.
"Hirap na hirap na nga ako dun sa senior high,” sabi ni Nadia.
Hindi na niya binanggit ang college course na napipisil niya.
Ano ang nasa isip niya noong labing-isang taon siya?
“Nag-e-enjoy ako,” sagot ni Nadia.
“Nung eleven ako, parang 18 years old na ako noon. Parang one of the boys ako na gusto ko lahat, sige, sabak.
“We’re doing four movies at one time. I had three shows at one time.
"Kumbaga, gising, trabaho, tulog, trabaho. Ganoon lang yon.
“Ang naging difference, enjoy ako.
"Gustung-gusto ko yung trabaho ko at, obvious ba, na hanggang ngayon, nandito pa rin ako, di ba?”
Read: Meryll Soriano urges parents to take mental health seriously