Hindi sigurado ang VMX actress na si Rinoa Halili, 20, kung kamag-anak niya si Katrina Halili pero posible raw na “malayong tita” niya ang GMA-7 actress.
"Siguro malayong relative po. Malayong tita po. Pero ang kamag-anak ko po is si Aurora Halili,” lahad ni Rinoa.
Nakapanayam siya sa media conference ng Kikirot-Kirot, ang bagong proyekto niya sa VMX na pinangungunahan nila ni Skye Gonzaga.
Si Aurora ay dating ABS-CBN contract artist noong dekada ’90. Pero tinalikuran niya ang showbiz nang magpakasal sila ng kapwa ABS-CBN star na si Don Laurel na isa nang pulis sa Canada.
Ang OkaTokat at ang sitcom na Home Along Da Riles ang ilan sa mga regular television show noon ni Aurora sa ABS-CBN.
Nangarap si Rinoa na maging artista dahil ang kanyang Tita Aurora ang inspirasyon niya.

RINOA HALILI ON FAMILY'S REACTION TO HER VMX MOVIES
Natupad ang pangarap ni Rinoa pero nalinya siya sa pagpapaseksi sa mga pelikula ng VMX na hindi tinutulan ng kanyang pamilya.
"Hindi naman po natin maitatago na very explicit yung ginagawa ko sa VMX movies, pero iba po kasi yung tiwala sa akin ng parents ko dahil alam po nila na gusto ko talaga na maging aktres.
"Alam po rin nila sa sarili at puso nila na super gusto ko na umarte simula noong bata pa ako kasi nakikita ko na umaarte yung tita ko.
"Dun po ako na-inspire, kinukuha siya na Calendar Girl, super ganda niya.
"Kung natatandaan po ninyo yung Okatokat, napanood ko po siya, lalo na yung Home Along Da Riles, e, na-inspire na ako sa kanya na umarte,” kuwento ni Rinoa.
Ibinahagi niya ang mga payo sa kanya ni Aurora nang pumasok siya sa showbiz.
"Ang pinaka-advice niya po sa akin is love the craft. Love what you’re doing.
"Be consistent. Just show up. Kasi sa pagkakasabi niya sa akin na just show up, kailangan palagi mong ipakita sa mga tao na talagang gustung-gusto mo yung ginagawa mo.”
Pinapanood ba ni Aurora ang mga pelikula mo sa VMX?
"Trailer lang po yung pinapanood nila. Pero siyempre, in-advise ko rin po sila na kung hindi kayang panoorin, huwag nang panoorin.
"Pero sabi naman ng tita ko sa akin, sobrang proud niya sa akin and she wants me to be happy,” sagot ni Rinoa.
RINOA HALILI ON PBB AUDITION EXPERIENCE
Pinili niyang maging VMX actress dahil hindi siya pinalad na makapasok sa Pinoy Big Brother sa kabila ng maraming beses na pagtatangka na makapasa sa audition.
"Nakaabot po ako sa final casting ng PBB. Tapos after naman po noon, tinawagan nila uli ako for final casting. So parang nung mga time na 'yon, talagang pang-final casting na lang po ako lagi.
"So why not make the move? Na okay change the way.
"Siguro hindi naman para talaga sa akin yung PBB. Pero yung journey ko noon, sobrang saya po kasi in-enjoy ko,” pagtatapos ni Rinoa.
Sunod-sunod ang pagbibida niya sa VMX movies mula nang magdesisyon siya na sumabak sa sexy roles noong 2025.