Naghatid ng matinding takot at trauma sa mga mag-aaral ng Mahayhay Elementary School sa Malita, Davao Occidental, at Matanao National High School sa Davao del Sur ang 7.8 magnitude na lindol na nangyari bandang 7:37 A.M. ngayong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Ngayong Hunyo 8 ang unang araw ng pagpasok nila sa paaralan.
Nakunan ng video ang pagbagsak ng gusali ng Matanao National High School at ang pagkakagulo ng mga estudyante nang una nilang maramdaman ang pagyanig ng paligid dahil sa malakas na lindol habang nagaganap ang flag ceremony.
Nakapanglulumo ang sigawan at panaghoy ng mga batang mag-aaral ng Mahayhay Elementary School dahil sa malakas na pag-uga ng lupa at pagbagsak ng makeshift shade na malapit sa kinaroroonan nila.
Hindi nagkulang sa pagbibigay ng paalaala ang mga magigiting na guro na pinayuhan ang mga kabataang huwag mag-panic, manatiling kalmado, at makipag-ugnayan sa kanilang mga magulang.
Nakunan din ng video ang pagguho ng gusali ng isang fastfood chain at mall sa General Santos City.
May mga tahanang nawasak sa Sultan Kudarat dahil sa tsunami o pagtaas ng tubig-dagat na epekto ng lindol at nagdulot ng pagbaha.
Ang General Santos City, Davao Oriental, Sultan Kudarat, at Sarangani ang ilan sa maraming lugar sa Mindanao na sinalanta ng lindol.
Kumpirmadong may mga nasawi pero hindi pa inilalabas ng mga kinuukulan ang eksaktong bilang.
Pansamantalang isinara ang international airport sa General Santos City kaya kanselado ang mga domestic flight.
Read: Newlywed Pinoy couple in Canada dies after paddleboarding mishap
PHIVOLCS ADVISORY
Hindi nagkulang ang mga opisyal ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa pagbibigay ng mga paalaala at babala matapos mangyari ang mapaminsalang lindol.
Naglabas agad ng Tsunami Warning ang PHIVOLCS.
Agad nilang natukoy na ang bayan ng Maasim sa lalawigan ng Sarangani, South Cotabato, ang epicenter ng lindol.
Mahigpit na paalala ng PHIVOLCS: “Niyanig ng Magnitude 7.8 na lindol ang Maasim (Sarangani) kaninang 7:37 ng umaga.
“Laging maging handa sa mga lindol at gawin ang DUCK, COVER, and HOLD.
"Pinaalalahanan din ang mga nasa baybayin na maging alerto sa mga senyales ng paparating na lokal na tsunami: SHAKE o malakas na lindol; DROP o biglaang pagbabago sa antas ng tubig-dagat; at ROAR o kakaibang tunog tulad ng dagundong ng papalapit na alon.
"Kapag naobserbahan ang alinman sa mga ito ay AGAD na LUMIKAS patungo sa mataas na lugar o papalayo sa dagat!”
Read: Muro-Ami star Rebecca Lusterio builds new life in Denmark