Dahil sa dami ng "lakad” mula nang dumating siya sa Pilipinas, halata na ang pagod sa mukha ng Chinese actress na si Zhang Yingfei nang humarap siya sa media conference na naganap sa isang hotel sa Quezon City ngayong Martes ng tanghali, Hunyo 9, 2026.
Dumating si Zhang, na popular sa pangalang Linda Walker, noong Lunes, Hunyo 8, 2026, para sa "Linda Walker Visits The Philippines to Promote Education for a Better Future."
May mga pagkakataong tulala at nakatingin sa kawalan si Zhang.
Kulang na kulang kasi siya sa tulog dahil maaga ang kanyang guesting sa Unang Hirit nitong Martes ng umaga.
Sinundan ito ng kanyang pagbisita sa Quezon City High School, guesting sa It’s Showtime, press conference, panayam ni Jessica Soho, at guesting sa Fast Talk With Boy Abunda.
Maraming beses na inanunsiyo na kakain muna si Zhang bago mag-umpisa ang media conference, pero hindi ito nangyari kaya tiyak na nagutom na siya.
Kahit pagod at gutom, magiliw na sinagot ni Zhang sa pamamagitan ng kanyang interpreter ang lahat ng mga katanungan ng media.
Read: Zhang Yingfei receives warm welcome from Pinoy fans
ZHANG YINGFEI: "i am not an ai"
Natawa si Zhang sa maling akala ng ibang mga Pilipino na AI lamang ang karakter niya sa Chinese vertical drama na The Heiress Who Won With Brains.
Ipinakita ni Zhang ang Chinese mobile app dahil dito umano mapapanood ang mga Chinese vertical series na pinagbidahan niya bilang patunay na tao siya at hindi AI.
“I am an actress from China, Zhang Yingfei. I also starred in many short dramas.
"I invite you all to please see that so you’d know that I am not an AI. And I am a breathing, living human being,” paglilinaw ni Zhang para sa mga Pilipinong nagduda na AI ang karakter ni Linda Walker na ginampanan niya sa The Heiress Who Won With Brains.
Sinabi ni Zhang na handa siyang magkaroon ng mga acting assignment sa Pilipinas kapag may nag-alok sa kanya.
Ikinagagalak ni Zhang ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pilipino, pero ikinagulat daw niya ang kaguluhan at tulakang nangyari sa Ninoy Aquino International Airport nang dumating siya.
Saad niya: “There were so many fans. I was very surprised and also very grateful. There were so many people. Everyone were pushing each other."
Sa Hunyo 13 ay magdiriwang si Zhang ng ika-22 kaarawan.
Kaya sa pangunguna ni Kim Chiu, kinantahan siya ng Chinese version ng birthday song sa guesting niya sa It’s Showtime.