Si Atasha Muhlach ang hula ng marami na magbibida sa Bongga Ka, 'Day! The Annie Batungbakal Musical.
Base ito sa teaser na inilabas ng Viva Artists Agency at Newport World Resorts ngayong Martes, Hunyo 9, 2026.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang mga producer ng Bongga Ka, 'Day! tungkol sa aktres na gaganap sa karakter na pinasikat ni Nora Aunor sa Annie Batungbakal, ang romance-comedy movie na ipinalabas sa mga sinehan noong Setyembre 14, 1979 at mula sa direksiyon ni Maryo J. de los Reyes.

Reportedly, isasapubliko sa susunod na linggo ang aktres na napili para magbigay-buhay kay Annie Batungbakal.
Pero ang pangalan ni Atasha ang lumutang dahil sa teaser na inilabas ng Viva Artists Agency at ng Newport World Resorts.
Read: Girls’ Generation’s Sooyoung and Jung Kyung Ho confirm breakup after 14 years
View this post on Instagram
IS ATASHA MUHLACH THE NEW ANNIE BATUNGBAKAL?
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may talento si Atasha sa pagkanta kaya may kakayahan siyang gampanan ang iconic role ni Nora.
Unang inanunsiyo ang produksiyon ng Bongga Ka, 'Day! sa huling araw ng pagtatanghal ng Bagets, The Musical noong Marso 2026 sa Newport Performing Arts Theater.
Ang twin brother ni Atasha na si Andres Muhlach ang isa sa mga bida ng Bagets, The Musical na naging matagumpay.
Nang ibalitang magkakaroon ng musical play tungkol sa pelikula ni Nora, marami ang umasang si Ashtine Olviga ang gaganap sa titular role.
Nakatakdang ipalabas ang Bongga Ka, 'Day! sa Newport Performing Arts Theater sa Setyembre 2026.
Itataon ito sa ika-47 anibersaryo ng pelikula ni Nora na tungkol kay Annie Batungbakal, nakatira sa Frisco, at nagtatrabaho bilang saleslady, pero bonggang-bongga sa gabi sa tuwing pumupunta siya sa disco.
Kasama sa soundtrack ng pelikula ni Nora ang mga kantang pinasikat ng Hotdog noong 1979—"Bongga Ka, 'Day," "Annie Batungbakal," at "Langit Na Naman."