Si Bimby Aquino-Yap, 19, ang special guest sa 21st birthday celebration ni Ryzza Mae Dizon sa Eat Bulaga! ngayong Biyernes, Hunyo 12, 2026.
Hindi sinasadyang isinilang ang isang “loveteam” dahil kinilig ang manonood sa kanilang mga eksena.
Nagkakilala sina Ryzza Mae at Bimby nang magsama sila sa My Little Bossings, ang pelikulang opisyal na kalahok sa 39th Metro Manila Film Festival noong 2013.
Si Vic Sotto at ang nanay ni Bimby na si Kris Aquino ang mga pangunahig bida ng pelikula.
Anim na taong gulang si Bimby at walo naman ni Ryzza nang gawin nila ang My Little Bossings.
BIMBY AND RYZZA MAE REUNITE IN EAT BULAGA!
Makalipas ang labintatlong taon, muling napanood ang dalawa sa telebisyon dahil si Bimby ang inimbitahan bilang surprise guest kay Ryzza.

“Maybe This Time” ang kinanta ni Bimby.
Matapos umawit, ikinuwento niya na si Ryzza Mae ang kanyang first kiss dahil sa isang eksena nila sa My Little Bossings.
Tinanong ng co-host na si Miles Ocampo ang mga magagandang alaala niya sa shooting noon ng pelikula nila ni Ryzza Mae.
Sagot ni Bimby, “Ang dami kong memories during those times. It’s beautiful talaga. Siyempre na-meet ko si Ryzza.”
Tinukso ni Bimby si Ryzza Mae na kinikilig ito.
Nang mapansin niyang namumula ang pisngi ng dating child actress, humirit siya ng “Parang hindi yan blush on ah?"
Read: Brandon Espiritu deactivates social media accounts amid "halfies" controversy
Alam ni Bimby ang pulso ng publiko at marunong siyang magpakilig.
Nang tanungin tungkol sa kanyang birthday message para kay Ryzza Mae, sinabi niya: “Sana maibalik natin ang dati. Our friendship dati. Kasi, di ba, we lost contact?
“Never change kasi from the time na I’ve known you since you were eight years old, hindi ka nagbago.
"So stay the same person you’ve always been. A kind, siyempre beautiful, and caring person you are.
“At saka kung hindi man maging tayo, ninong ako. Mga Dabarakads, if we don’t end up together, kailangan ako ang ninong sa kasal niya.”
Sapat na ang mga binitiwang salita ni Bimby para kiligin si Vic Sotto, ang mga co-host, at studio audience ng Eat Bulaga!, pati na ang mga manonood na naniniwalang puwedeng maging loveteam sina Bimby at Ryzza Mae.
Para sa kaarawan ni Ryzza Mae, isang kuwintas ang regalo ni Bimby. Siya mismo ang naglagay sa leeg ng aktres habang tumutugtog ang instrumental music ng "Maybe This Time."
Nagkaroon din ng re-enactment sina Vic, Ryzza Mae at Bimby ng 2026 version ng 2013 pictorial nila para sa My Little Bossings.

Ang kilig moments nila ni Ryzza Mae sa Eat Bulaga! ang isa sa mga dahilan kaya may fans agad ang loveteam nila ni Bimby, kahit hindi pa ito opisyal.
Trending din ngayon si Bimby sa social media.
Marami ang kumbinsido na kung sakaling maging loveteam sila ni Ryzza Mae, tiyak na malakas ang hatak nila dahil tatangkilikin ng masa.
Read: Brandon Espiritu, Jether Palomo face backlash over "halfies" remark