Simula sa Hunyo 29, 2026, Lunes hanggang Biyernes, 3:15 P.M., mapapanood sa Hapon Champion block ng TV5 ang Kapuso stars na sina Barbie Forteza at David Licauco.
Sila ang mga bida sa Mano Po Legacy: The Family Fortune, ang drama series na TV adaptation ng Mano Po movie franchise ng Regal Entertainment, Inc.
Isyu para loyal viewers ng GMA-7 ang nakatakdang pagpapalabas sa TV5 ng Mano Po Legacy: The Family Fortune dahil hindi sila makapaniwalang masisilayan sa Kapatid Network sina Barbie at David na parehong prized talents ng Kapuso Network.

REGAL ENTERTAINMENT-GMA NETWORK PARTNERSHIP
Nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Roselle Monteverde, ang Chief Executive Officer (CEO) ng Regal Entertainment Inc.
Ayon sa kanya, may pahintulot ng GMA Network management ang desisyon niyang ipalabas sa TV5 ang drama series nina Barbie at David.
“Walang isyu,” paglilinaw ni Roselle sa panayam sa kanya ng Cabinet Files.
“Alam ng GMA-7 yan. Nung nagpakita ng interes ang TV5, siyempre nagpaalam muna ako sa GMA-7.
"Sumusunod naman ako sa ganyan. Ayoko ng problema."
Naniniwala si Roselle na importante ang magandang samahan at respeto sa isa’t isa para sa ikauunlad ng Philippine entertainment industry.
Nananatiling matatag at maayos ang relasyon sa isa’t isa ng GMA-7 at Regal.
Matibay na pruweba ang partnership nila sa Regal Studio Presents, ang drama anthology series na nagsimula noong Setyembre 2021 at napapanood sa GMA-7 hanggang sa kasalukuyan.
Read: David Licauco stays private on rumored GF; “great friends” with Barbie Forteza
MANO PO LEGACY
Unang ipinalabas sa GMA-7 ang Mano Po Legacy: Family Fortune. Napanood ito mula Enero 3, 2022 hanggang Pebrero 25, 2022.
Matagal na masisilayan sa TV5 sina Barbie at David dahil 40 episodes ang drama series na pinangungunahan nila.
Malaki ang posibilidad na ipalabas din sa TV5 ang pangalawa at pangatlong installment ng Mano Po Legacy, ang Her Big Boss at The Flower Sisters.
May 47 episodes ang Mano Po Legacy: Her Big Boss na tinampukan nina Bianca Umali at Ken Chan.
Napanood ito sa GMA-7 mula Marso 14, 2022 hanggang Hunyo 2, 2022.
May 50 episodes naman ang Mano Po Legacy: The Flower Sisters na pinagbidahan nina Beauty Gonzalez, Thea Tolentino, at Aiko Melendez.
Natunghayan ito sa GMA-7 mula Oktubre 31, 2022 hanggang Enero 13, 2023.
Read: Lotlot de Leon breaks down on feud with Ian: "He can have it all!"