Nahanap na ang dating aktor na si Jeremiah Rosales, 40, matapos nitong mawala mula pa noong Hunyo 21, 2026
Si Jeremiah ay nakababatang kapatid ni Jericho Rosales.
Umalis si Jeremiah sa bahay nila sa isang subdivision sa Antipolo City.
Tumakas siya dahil ayaw niyang muling dalhin sa isang rehabilitation facility sa lalawigan ng Batangas.
Pero makalipas ang limang araw ay natunton na ang kanyang kinaroroonan.
Kinumpirma ng isang kamag-anak nilang nagpunta si Jeremiah sa Bicol para magtago at para hindi siya maipasok ng kanyang kapatid na si Jericho at asawang si Jhen Go sa rehab facility.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kay Jhen ngayong Biyernes ng hapon, Hunyo 26, 2026, sinabi niyang nagkausap na ang magkapatid na Jeremiah at Jericho.
Pero hindi pa raw nakikipag-ugnayan sa kanya at sa kanilang mga anak ang asawa niya.
FATHER’S DAY "GIFT"
Inilahad ni Jhen Go, 37, sa Cabinet Files ang mga pangyayari nang araw na umalis si Jeremiah sa tahanan nila.
Ayon sa kanya, "Father's Day gift" nila ni Jericho ang pagdadala uli kay Jeremiah sa rehab center dahil sa pagkalulong nito sa droga.
Kuwento niya: “June 21, Father’s Day, gift po namin sa kanya ng kuya niya na dalhin siya uli sa rehab. Kasi galing na po siya sa isang private rehab sa Pasig City noong 2024.
“Si Kuya Jing [Jericho] po ang nagpasok sa kanya sa rehab. Siya rin po ang nagbabayad monthly.
“One year po ang program ni Jeremiah. Pero hindi niya tinapos dahil sa tuwing dinadalaw namin siya ng kuya niya, parang na-manipulate niya kami na okay na siya.
“Kaya kahit hindi pa tapos ang program niya, inilabas na siya ni Kuya Jing.
“Bunso po kasi si Jeremiah, saka si Kuya Jing po talaga yung tumayong tatay niya dahil dalawa lang silang magkapatid at wala silang tatay.”
Read: Albie Casiño shocked to discover Ricky Davao had passed away

JEREMIAH’S ESCAPE
Nagpasya raw sina Jen na ibalik sa rehab ang kanyang asawa noong Hunyo 21 dahil binalikan nito ang masamang bisyo
“Nag-meeting po kami ng kuya niya at ng mga anak namin na ibabalik namin siya sa rehab noong Father’s Day. Para rin naman yun sa kanya.
"Napansin kasi naming bumabalik na naman siya sa dating barkada, puro inom, hindi natutulog, hindi kumakain, nagsa-shabu na naman," pagbabahagi niya.
Pero nagkakutob daw si Jeremiah na dadalhin na naman ito sa rehab facility dahil "trauma" raw ito sa dating aktor.
Saad ni Jhen: "Noong unang dinala siya sa rehab, puwersahan ang pagkuha sa kanya. Nakipagsuntukan pa siya. Trauma sa kanya.
"Kaya nang magising siya noong Father’s Day, 12:10 P.M., nakita niya na namumugto ang mata ko kasi parang naano ko na, eto na naman, babalik na naman siya sa rehab. Hindi na naman namin siya makakasama.
“Nahalata niya na umiiyak ako kasi magkakausap nga kami ng rehab staff na on the way na sila.”

Nasilip daw ni Jeremiah sa bintana ang apat na lalaking kukuha at magdadala sa kanya sa rehab. At dito na raw tumakas ang asawa ni Jhen gamit ang motorsiklo.
Salaysay niya: "Sakto po, nasilip niya sa bintana yung rehab van na hindi tinted. Nakita niya agad na may apat na lalakeng nakasakay na malalaki ang katawan at may suot na face masks.
“Tinanong niya ako. Sabi niya, ‘Ano yung van sa labas? Bakit may apat na lalake na naka-face mask?’
“Sabi ko, 'Hindi ko alam.' Nakahalata talaga siya.
"Kinuha niya agad ang susi ng motorsiklo niya tapos pinaandar na niya.
“Walang nagawa yung mga taga-rehab dahil bawal daw nila habulin. Ang instruction daw sa kanila, kukunin ang pasyente mula sa loob ng bahay,”
JERICHO ROSALES'S REACTION
Ikinadismaya raw ito ni Jericho na nakatakas ang kanyang kapatid mula sa rehab staff.
Saad ni Jhen: "Parang nadismaya rin po si Kuya Jing kasi makuha o hindi si Jeremiah, bayad ang rehab staff dahil galing pa sila sa Batangas.
“Nadismaya po siya kasi puwedeng-puwedeng habulin ng rehab staff dito sa loob ng subdivision.
“Nung una po kasing na-rehab ni Jeremiah noong June 2024, nakipagbakbakan siya sa mga kumuha sa kanya. Nakipagsuntukan siya.
"Kasi si Jeremiah, yung personality niya, talagang lumalaban siya.
“Hindi siya sasama nang tahimik lang na basta sasakay siya sa sasakyan. Talagang nakipagsapakan siya.
“E, yung kumuha sa kanya noon, apat din. Talagang pinosasan siya. Siyempre, wala na siyang nagawa.”
Sa huli, sinabi ni Jhen na para rin kay Jeremiah ang pagpapasok nila rito sa rehab.
Aniya: "Para sa kanya rin naman po yung mga ginagawa namin. Para matigil na yung bisyo niya, umayos ang behavior niya.
“Huwag niyang isipin na pinagtutulungan namin siya ng pamilya niya, ng mga anak niya.
"Kasi yun po ang kanyang sinasabi. Pinagtutulungan daw namin siya."