"Nakaka-discourage mag-boxing! If hindi kayo marunung tumangap ng pagkatalo, huwag ka nlng mag-boxing."
Ito ang pahayag ni Rodelyn Perez, 24, sa magkasunod na Facebook post niya ngayong Sabado ng gabi, Hunyo 27, 2026.
Hindi man nagbanggit ng pangalan si Perez, pinaniniwalaan na siEman Bacosa Pacquiao, 22, ang kanyang pinatatamaan.

Read: Eman Bacosa knocked down by Rodelyn Perez in title fight
JOANNA BACOSA COMPLAINS ABOUT "RABBIT PUNCHES" OF PEREZ
Ito ay dahil sa reklamo na inihain ng kampo ng 22-year-old boxer sa Games and Amusement Board (GAB) noong Biyernes, Hunyo 26, 2026.
Si Perez ang nanalo sa laban nila ni Eman noong Hunyo 21, 2026 para sa Philipine Boxing Federation Lightweight Championship, pero naghain ng reklamo sa GAB si Joanna Rose Bacosa-Dino.
Si Joanna ang ina ni Eman at siya rin ang manager ng kanyang anak.
Sa salaysay na sinumpaan ni Joanna, sinabi niya na mapanganib ang maraming beses na “rabbit punches” na ibinigay ni Perez kay Eman.
Kasama ang referee na si Jerold Tomeldan sa mga inireklamo ni Joanna sa GAB dahil diumano, hindi nakontrol ni Tomeldan ang laban at hindi rin ito nagbigay ng mga babala.
"Rabbit punches" ang tawag sa mga suntok sa likod ng ulo.
Sa Facebook post ni Joanna ngayong Sabado, naglabas siya ng hinaing sa isyu.
"Rabbit punches. Ipinagbabawal po ito na pagsuntok sa likod ng ulo sa kahit anong combat sports.
“Opo, hindi ito maiiwasan lalo na kung nagkakainitan na sa laban pero ang 7X o HIGIT PA NA RABBIT PUNCHES AY MATATAWAG NA MALAKING NEGLIGENCE PARA WALANG GAWING AKSYON.
"Hindi lang po sa Round 2 ito nangyari.Nasundan pa ito sa ibang rounds na hinahayaan na lang."

Diin pa ni Joanna, "Rabbit punches are prohibited in boxing because of the life-changing damage they can cause.”

Read: Jhen Go opens up about alleged conflict with Jericho Rosales
ON BOXER WHO SUFFERED FROM RABBIT PUNCHES
Ibinigay na halimbawa ng ina ni Eman ang nangyari noong Oktubre 2015 sa Puerto Rican boxer na si Prichard Colón sa laban nito sa American boxer na si Terrel Williams.
Paulit-ulit na nakatikim si Colón ng rabbit punches mula kay Williams na nawalan ng malay sa locker room pagkatapos ng kanilang pagtutunggali dahil sa matinding pagdurugo ng kanyang utak.
Halos isang taon na comatose si Colón na hindi na gumaling dahil sa permanenteng pinsala sa utak, kaya habambuhay na siyang hindi nakakapaglakad at nakapagsasalita nang maayos.