Ang nalalapit na pagtatapos ng action-drama series na Blood vs Duty at ng thriller drama na The Alibi, na parehong mga programa ng ABS-CBN, ang hudyat na mapapanood na rin sa Kapamilya Channel ang mga teleserye ng TV5 na A Secret in Prague at My Bespren Emman.
Bahagi ito ng pinalawak na kasunduan ng ABS-CBN at TV5.
Ang Someone, Someday, ang drama series na pinangungunahan nina Kathryn Bernardo at James Reid, ang ipapalit sa Blood vs Duty.
Mapapanood sa Kapamilya Channel at Kapatid Network ang Someone, Someday pagkatapos ng Coco Martin's Sigabo, ang action-drama series nina Coco Martin at Julia Montes.
Magiging kasunod ng teleserye nina Kathryn at James ang A Secret in Prague na pinangungunahan nina Enrique Gil at Andrea Brillantes.
Inanunsiyo na sa mga artista at production staff ng My Bespren Emman na ililipat ang programa nila sa panghapong oras, pagkatapos ng Eat Bulaga!.
Pero simula sa Hulyo 27, mapapanood na rin ang My Bespren Emman sa Kapamilya Channel.
Read: Sigabo, Someone, Someday head to TV5 under new ABS-CBN deal
ZABALLERO MEETS WITH PRAGUE AND EMMAN CAST
Nakipag-usap na si TV5 President at CEO Guido Zaballero sa cast ng A Secret in Prague at My Bespren Emman sa magkahiwalay na hapunan.

Pinasalamatan ni Zaballero ang mga artista ng dalawang programa dahil sa kanilang mahusay na trabaho at ipinakitang commitment sa mga flag-bearing program ng Kapatid Network.

“We are confident that a wider audience will enjoy the more exciting plots and twists that both shows have to offer in the coming days and weeks. We will announce these changes soon,” pahayag ni Zaballero.
Pahiwatig ito na magbabago na airing time ng A Secret in Prague at My Bespren Emman dahil simula nga sa Hulyo 27, mapapanood na ang mga programang ito sa Kapamilya Channel, pati na sa A2Z at ALLTV.
Ang Face to Face with Ate Koring ni Korina Sanchez ang unang programa ng TV5 na nasilayan sa Kapamilya Channel. Nag-umpisa ito noong Lunes, Hunyo 29, 2026.
Masaya at kuntento ang mga pamunuan ng TV5 at ABS-CBN sa bagong lineup ng kanilang mga programa na naisakatuparan dahil sa muling pagsasanib-puwersa nila.
Read: Battle of TV networks is back, but partnerships are still on