Riot ang guesting ng award-winning directors na sina FDCP Chair Jose Javier "Joey" Reyes at Joel Lamangan sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, Hulyo 1, 2026, dahil sa mga nakakaaliw at nakababaliw na karanasang ibinahagi nila.
Ang pangalan ni Richard Gomez ang binanggit ni Direk Joey nang tanungin ni Boy Abunda tungkol sa mga artistang kanyang nakaaway noon pero kaibigan na niya ngayon.
“Si Richard Gomez,” nakangiting sagot niya.
“I think nabanggit ko ito sa isang podcast na, once upon a time, hindi kami nagkaintindihan. Medyo binato niya ako ng hollow blocks at sinapak.
“Konting sapak lang naman pero, you know, after a while, e, tumanda na kami together, di ba?
"Saka naging magkaibigan na kami, it’s really water under the bridge kaya pinagtatawanan na lang namin.
“Siya ang nakaaway ko na naging kaibigan in the long run. Ganoon talaga ang buhay.
"At saka ngayon, kapag nagkikita kami, wala na yon. Actually, when we remember, nagtatawanan kami!” natatawang kuwento ni Direk Joey.
Read: Ai-Ai contacted by Fil-Am nurse indicted in $906M fraud case
JOEL LAMANGAN ON NATIONAL ARTIST NORA AUNOR'S TAMPO
Pinatotohanan naman ni Direk Joel Lamangan na nagkaroon sila ng isyu ng pumanaw na aktres at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor nang gawin nila ang pelikulang Sidhi noong 1999.
“Nagtampo siya sa akin... naku, Ate Guy, sorry ha?” pasintabi niya bago ipinagpatuloy ang kanyang paglalahad.
“Nagtampo siya sa akin dahil nanood siya ng rushes ng Sidhi. Nakita niya, napakahusay ni Glydel [Mercado]."

Reaksiyon daw ni Nora: “Bakit napakahusay ni Glydel? May gusto ka diyan ano?”
Sagot naman daw ni Direk Joel, “Hindi ako puwedeng magkagusto dun! Alam mo kung bakit, hindi ba?"
Lahad pa ng direktor: “Tapos hindi na ako binati. Dubbing, ayaw mag-dub ni Ate Guy!
"Sabi sa akin nung tao dun, 'Direk, ayaw mag-dubbing ni Ate Guy. Ayaw niya, e. Basta ayaw niya.”
“Tinawagan ko, ‘Ate Guy, kapag hindi ka nag-dub, puwede naman, kasi pipi ka naman dito. Ipapa-dub kita kay Ate Gay.'
“Dumating si Guy kaya lang banned ako sa dubbing. Okay lang naman na ma-ban mo ako, okay lang, basta ma-dub niya.”
Read: Court orders Anjo Yllana to pay TVJ Productions PHP3.5M
FROM ACTOR TO WAITER
Ibinahagi rin ni Direk Joel ang kuwento tungkol sa isang artistang hindi marunong umarte kaya sinabihan niyang magtrabaho na lang bilang waiter.
“Meron isang artista na nilagay yata dun ng producer, wala naman talagang alam.
“Sabi ko, ‘Alam mo, mag-waiter ka na lang.’
“Nag-waiter sa Dubai, naging successful.
"Nagkita kami, ‘Direk, mabuti naman pinagsabihan mo ako na mag-waiter na ako. Nasa Dubai na ako, headwaiter ako!” natatawang salaysay ni Direk Joel,
Kasunod nito ang paglilinaw ni Direk Joel na hindi niya minamaliit ang mga waiter na naging matagumpay sa buhay dahil sinunod ang kanyang payo.
Read: Kim Chiu posts subtle clapback to past hallway incident with Ogie Diaz