Makalipas ang lagpas dalawang taon, natapos na ang shooting para sa BuyBust: The Undesirables, ang action-thriller series na pinagbibidahan nina Anne Curtis at Gerald Anderson.
Mula ito sa direksiyon ng award-winning director na si Erik Matti.
Matapos ang mga script reading, stunt at fight rehearsals, pati na ang horseback sessions, opisyal na nag-umpisa ang principal photography ng BuyBust: The Undesirables noong Abril 15, 2024.
Makaraan ang dalawang taon, natapos ang shooting noong Hulyo 4, 2026.
Hindi naging madali ang huling araw ng shooting ng BuyBust: The Undesirables dahil tatlong production units ang ginamit para sa mga eksenang kinunan sa tatlong lugar — sa Maragondon, Cavite; Malate, at Intramuros, Manila.
Sa loob ng dalawang taon, 80 araw kinunan ang mga eksena nina Anne at Gerald, at ng mga kasama nila sa television series na may siyam na kabanata at nakatakdang mapanood sa Netflix.
Read: Anne Curtis recalls being stranded during Middle East conflict
ANNE CURTIS' RETURN TO IT'S SHOWTIME
Ang shooting ng BuyBust: The Undesirables ang isa sa mga dahilan kaya madalas hindi napapanood si Anne sa noontime variety program na It’s Showtime.
“Hopefully, after nitong BuyBust, magkokonting bakasyon lang ako para huminga and then balik talaga ng It’s Showtime. Sana lang, more than a week!” natatawang sabi ni Anne nang magsalita siya noon sa Thanksgiving presscon para sa kanya ng Viva Artists Agency.
Ang BuyBust: The Undesirables ay sequel at spin-off ng 2018 blockbuster movie ni Anne na BuyBust.
Ayon kay Anne, tiyak na maninibago siya sa permanenteng pagbabalik niya sa It’s Showtime dahil ibang mundo talaga ang shooting ng BuyBust: The Undesirables.
Saad niya: “Coming from a character, tingnan ninyo naman ang hitsura ko sa BuyBust, malayo talaga.
"Pero na-miss kong magbihis, na-miss kong mag-ayos, na-miss kong makipagharutan with all of them."
Hindi pa pinaplano ang after-party ng cast at production staff para sa pagwawakas ng shooting ng BuyBust: The Undesirables dahil isang buwang magbabakasyon si Anne.
Kailangang-kailangan daw ni Anne ng pahinga, pero ipinagmamalaki nitong sulit ang lahat ng kanyang pagod dahil napakaganda umano ng bagong proyekto niya na joint production venture ng Studio Viva at Reality MM Studios.
Read: Anne Curtis stresses love for Filipino roots amid "halfies" issue