Ang 2nd Miracle in Cell No.7 na pagbibidahan ni Aga Muhlach ang official entry ng Viva Films sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF).
Idaraos ang MMFF 2026 mula Disyembre 25, 2026 hanggang Enero 5, 2027.
Si Aga ang gumanap na Joselito "Lito" Gopez sa Philippine adaptation ng South Korean film na Miracle in Cell No.7, na topgrosser sa MMFF 2019.
Namatay ang karakter ni Aga sa Miracle in Cell No.7 kaya marami ang nagtataka at nagtatanong kung sequel o prequel ang pelikula niya na opisyal na kalahok sa MMFF 2026.

May mga nagsasabing imposibleng maging sequel ng Miracle in Cell No. 7 ang 2nd Miracle in Cell No. 7 dahil sa kuwento, namatay na nga ang karakter ni Aga at lumaki na ang kanyang anak na ginampanan ni Bela Padilla.
Kung prequel naman ang 2nd Miracle in Cell No. 7, hindi na puwedeng si Xia Vigor ang gaganap na Yesha, ang anak ni Aga sa pelikula, dahil lumaki o nagdalaga na siya mula nang gampanan niya ang karakter ng batang Bela noong 2019.
Read: Vic Sotto-Vice Ganda movie among first 4 MMFF 2026 entries
2ND MIRACLE IN CELL NO. 7: a prequel or a sequel?
Si Mel Mendoza-del Rosario ang nagsulat ng script ng Philippine adaptation ng Miracle in Cell No.7 at siya rin ang sumulat ng kuwento ng 2nd Miracle in Cell No. 7.
Ngayong Huwebes, Hulyo 9, 2026, nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Mel para masagot ang tanong ng karamihan: prequel o sequel ba ang pelikula ng Viva Films na kasali sa 52nd MMFF.

“Sa maikling salita, prequel ang bulk at konti ang sequel,” umpisang paliwanag ni Mel tungkol sa magiging kuwento ng 2nd Miracle in Cell No. 7.
“It was supposed to be an adaptation of the sequel ng Miracle Indonesia version, pero hindi naman puwedeng hindi bida si Aga.
"So, ginawa kong prequel.”
Ang tinutukoy ni Mel na sequel ng Miracle in Cell No. 7 ay ang Indonesian movie na 2nd Miracle in Cell No. 7, na nagbukas sa mga sinehan sa Indonesia noong Disyembre 25, 2024.

Tiniyak ni Mel na kasama pa rin sa cast ng 2nd Miracle in Cell No. 7 si Xia at ang mga aktor na gumanap na kasamahan ng karakter ni Aga sa loob ng kulungan.
Multi-awarded screenwriter si Mel at hindi matatawaran ang husay niya sa pagsusulat ng mga dula na pangtelebisyon at pelikula.
Sa tulong ng kanyang malikhaing imahinasyon, tiyak na nakaisip at nakagawa si Mel ng paraan kung paano naging sequel at prequel ng Miracle in Cell No. 7 ang 2nd Miracle in Cell No.7.