Ginulat ng VMX star na si Sahara Bernales, 25, ang marami dahil sa kanyang mapangahas na gown sa Grand Reveal ng Reina Filipinas na ginanap sa Crystal Palace of Aquila in the Sky, Tagaytay City, noong Lunes ng gabi, Hulyo 13, 2026.
Sa ekslusibong panayam ng Cabinet Files kay Sahara, inamin niya ang intensiyong gulatin ang lahat bilang opisyal na kinatawan ng lalawigan ng Pampanga sa inaugural edition ng Reina Filipinas.
Ang Reina Filipinas na ngayon ang may hawak ng franchise ng Miss Grand Philippines at may karapatang magpadala ng kandidata sa Miss Grand International at Miss Grand International All Stars.
“That's the goal, ang manggulat,” sabi ni Sahara, na ang ama ay dating trans woman at tomboy naman ang kanyang ina.
Saad pa niya: “Ang look ko sa Grand Reveal ay nagre-represent ng purity in white, Aeta blood sa hair ko, being fearless and owning my body.
“Again, I feel confident that's why I choose to wear it because it's really me.
"Hindi ako o yung team ko ang problema kundi ang mga tao dahil sa pagtingin nila sa pag-represent ko sa kung sino ako.”
Read: VMX star Sahara Bernales joins Reina Filipinas screening

DREAM COME TRUE
Ang maging kandidata sa isang national beauty pageant ang katuparan ng matagal nang pangarap ni Sahara.
Tuwang-tuwa si Sahara nang sabihin sa kanyang nakapasa siya sa screening ng Reina Filipinas.
Lahad niya: “Ito po ang first national pageant ko. After ng screening, nakatanggap agad ako ng email from Reina Filipinas na pasok na ako sa next round.
“Then nung final call, nalaman ko that same day na official candidate na ako. At sobrang nakakataba ng puso kasi may tumanggap sa akin.
“Pero hindi ko agad sinabi sa family ko dahil gusto kong ma-surprise sila, lalo na si Papa Romeo [Lawrence Manatiga] dahil ang maging beauty queen ako ang parehong pangarap namin.
“Ang message niya sa akin is 'I'm so proud of you anak. Basta tiu ku keni suportan daka nak Balu yunaman metung keng pangarap ku pagent kekayu.' [Hangga't narito ako susuportahan ka. Alam mong isa sa mga pangarap ko ay sumali ka sa pageant].
“Lagi rin niyang pinapalakas ang loob ko lalo na sa mga negative social media comment.
“Si Mama Alma, super proud siya sa akin at ang saya niya. Nagbi-video call siya sa akin. Ipinagmamalaki niya ako sa mga kaibigan niya.”
Ano ang magiging partisipasyon ng tatay ni Sahara, na isang parlor beautician, sa pagsali niya sa Reina Filipinas? Siya ba ang magiging make-up artist niya?
Sagot niya: “Ayokong mapagod siya. Sa pagod niya sa buong buhay namin, gusto ko na yung pangarap niya para sa akin, e, mapapanood niya ako na komportable siya.
“Ang pinaka-contribution niya ay yung walang sawang pagbibigay niya ng suporta at kuwentong maibabahagi ko sa marami.”
Read: Matt Damon tells Jericho Rosales: "Hopefully we work together."
FIRST VMX STAR TO JOIN REINA FILIPINAS
Masayang-masaya si Sahara dahil siya ang kauna-unahang VMX star na opisyal na kalahok sa Reina Filipinas.
Hihinto ba muna siya sa mga proyekto niya sa VMX dahil magiging abala siya sa paghahanda sa Reina Filipinas?
“Actually, kagagawa ko lang po ng Todo Kayod kahit alam kong official candidate na ako sa Reina Filipinas.
“Naisingit ko sa schedule last week pero I think lalabas siya after ng coronation sa August 7," sabi ni Sahara.
Gaano siya ka-proud maging kinatawan ng lalawigan ng Pampanga sa Reina Filipinas?
“Sobra po!" bulalas niya.
"Imagine, ang buong Pampanga ang bitbit ko sa sa stage. Maipapakita ko sa buong Pilipinas kung saan ako pinanganak at lumaki.
“Maipapakita ko sa buong Pilipinas na ang mga Kapampangan, ilang beses man ibaba, ilang beses din tatayo at higit na malakas.”
Gaganapin ang grand coronation ng Reina Filipinas sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila, Pasay City.