Nadismaya ang mga miyembro ng media na dumalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na naganap sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City, noong Lunes, Hulyo 27, 2026, dahil sa special treatment na ibinigay ng mga security guard sa isang mambabatas.
Ipinatupad ang lockdown sa Batasang Pambansa para sa kaligtasan ng lahat kaya nagbigay ng abisong maaaring makalabas mula sa Batasang Pambansa ang mga imbitado at ang mga miyembro ng media kapag natapos na ang pagsasalita ni Marcos.
Nang magwakas ang SONA ng Pangulo, nagpunta na ang reporters sa exit door.
Pero inawat sila ng mga bantay dahil dapat daw hintayin munang makaalis sa naturang lugar ang Pangulo.
Nakasabay ng mga reporter ang isang mambabatas na may mga kasamang bodyguard.
Pero imbes na harangin, pinayagan siyang makalabas ng mga security guard.
Nang sumunod ang mga reporter sa mambabatas, humarang ang isang lady guard na nagsabi sa kanilang hindi pa sila maaaring lumabas.
Nang ituro ng mga reporter ang mambabatas na pinayagang makaalis, sumagot ang lady guard: “Kasi po congressman siya!”
Nadismaya ang mga reporter sa katwiran ng lady guard na nagbigay ng special treatment sa mambabatas na sumusuweldo mula sa pera ng mga nagbabayad ng buwis.
Read: SONA 2026 Highlights: What drew applause and what fell short
EXPENSIVE ATTIRES AND JEWELRY AT THE SONA
Pinabulaanan din ng mga miyembro ng media ang press release na paiiralin ang pagiging simple ng kasuotan ng mga mambabatas na dadalo sa ika-limang SONA ni Marcos.
Ayon sa mga reporter na nakausap ng Cabinet Files, personal nilang nasaksihan ang pagdating sa Batasang Pambansa ng ilang mambabatas at kanilang mga asawa na mga business suit ang kasuotan.
Pero kasunod nila ang mga stylist na bitbit ang mga mamahaling damit na gawa ng sikat na fashion designers.
Diumano, sinadya ng mga mambabatas na business suits ang isuot para makaiwas sa mga batikos, pero pinalitan nila ang mga kasuotan nang pumasok sila sa pagdarausan ng SONA.
Hindi nakaligtas sa matalas na paningin ng mga miyembro media ang mga mamahaling relo na ginamit ng mga yayamaning mambabatas, at ang mga sasakyan nilang milyun-milyon ang halaga na nakaparada sa Batasang Pambansa Complex.
May mga mambabatas na hindi nakatiis ipangalandakan sa kanilang mga social media page ang magagarbong kasuotan nila sa SONA.
Para makaligtas sa mga batikos, disabled o hindi puwedeng mag-iwan ng mensahe ang netizens sa comments section ng social media account nila.
Pero matatalino at maparaan ang netizens na nakagawa ng paraan upang punahin ang mga mambabatas na sangkot sa flood control scam.
Tila hindi na tinatablan ng kahihiyan at kumapal na ang mukha ng mga politikong ito dahil ipinagyabang pa rin nila sa social media ang kanilang mga mamahaling damit at alahas.