"Salamat" ang tanging naging sagot ng aktor at dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. sa mga miyembro ng media na paulit-ulit na nagtanong sa lugar na pupuntahan niya matapos siyang payagan ng Sandiganbayan Third Division na magpiyansa ng isang milyong piso para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Malversation ang kaso ni Revilla na iniiugnay sa ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Nakabilanggo siya sa Male Dormitory ng Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City, mula pa noong Enero 20, 2026.
Pero pinalaya siya ngayong Biyernes, Hulyo 31, sa ganap na 6:14 P.M.
“Maluha-luha pero nakangiti," pagsasalarawan ng mga miyembo ng media sa reaksiyon ni Revilla habang sakay ito ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP ) vehicle.

Maliban sa “Salamat,” wala na siyang ibang sinabi.
Kapansin-pansin ding nagpatubo ng bigote at balbas ang actor-politician.
Read: Sandiganbayan, ipinag-utos na ikulong si Bong Revilla sa QC Jail
PROVISIONAL RELEASE OF REVILLA
Si Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma ang nagkumpirma sa pansamantalang paglaya ni Revilla sa pamamagitan ng isang pahayag.
Nakasaad dito: “In its Resolution, the Court granted the bail application of accused Ramon Bautista 'Bong' Revilla Jr. for failure of the prosecution to establish that the evidence of his guilt is strong, insofar as it pertains to the charge of malversation through falsification of public documents.
“Thus, the Court ordered the provisional release of accused Revilla upon posting of the required cash bond, unless he is being held for some other legal ground.”
Kinumpirma rin ng Sandiganbayan Third Division na nagbayad si Revilla ng piyansang isang milyong piso sa pamamagitan ng isang electronic payment system.
Si Revilla lamang ang pinayagang magpiyansa at makalaya.
Hindi inaprubahan ng anti-graft court ang bail petitions ng mga kapwa niya akusadong sina Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, Engr. Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, DPWH Bulacan First District Engineering Office finance section chief Juanito Mendoza, at DPWH Bulacan First District Engineering Office cashier Christina Pineda.
Read: Bong Revilla on malversation and graft cases: "Laban lang."