Apatnapu’t pitong (47) taon na ang nakararaan nang mag-umpisa sa RPN-9 noong Hulyo 30,1979 ang Eat Bulaga!, ang longest-running noontime variety show sa Pilipinas.
Noong Sabado, Agosto 1, 2026, ipinagdiwang nina Senator Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at iba pang Dabarkads ang anibersaryo ng kanilang programang napanood din sa ABS-CBN at GMA-7 bago lumipat sa TV5.

REUNION OF TALENT SEARCH WINNERS
Ang mga personalidad na nakilala dahil sa mga talent search tulad ng "That’s My Boy," "SuperSireyna," "Little Miss Diva," "Lola’s Playlist," at "The Clones" ang mga nagtanghal para sa ika-47 anibersaryo ng Eat Bulaga!.
Nagsayaw sina Atong Redillas, Steven Claude Goyong, at BJ Forbes na mga kumatawan sa That’s My Boy.

Kumanta ang young actress na si Althea Ruedas, ang Little Miss Diva grand winner noong 2013.

May song number din si Baste Granfon Arumpac, 13, na matagal nang hindi napapanood sa telebisyon dahil naninirahan at nag-aaral na siya sa Amerika.
Binatilyo na si Baste.
nagpadala SIYA ng video na kinunan sa Amerika habang kinakanta ang kanyang signature song na “My Girl” dahil hindi siya nakauwi sa Pilipinas para sa anniversary show ng Eat Bulaga!.

Kasama rin sa anniversary presentation ng programa ang mga nanalo sa "SuperSireyna" sa pangunguna nina Francine Garcia, Nicole Guevarra Flores, at Carmi David.

Naramdaman ang mabilis na takbo ng panahon dahil mga binata na ang Broadway Boys na sina Joshua Lumbao, Joshua Torino, Benedict Aboyme, at Francis Aglabtin.
Nabuo ang Broadway Boys dahil sa pagsali ng apat sa Lola’s Playlist.
Kasama nilang nag-perform ang The Clones Dabarkads Choice na si Rouelle Cariño.
Read: Anjo Yllana jokes about PHP3.5M fine: "Ang taas pala ng value ko."

KALYESERYE REUNION
Kasama si Maine Mendoza bilang Yaya Dub, muling binuhay nina Jose Manalo bilang Lola Tinodora, Wally Bayola bilang Lola Nidora, at Paolo Ballesteros bilang Lola Tidora at ang mga karakter nila sa "Kalyeserye" na sumikat nang husto noong Hulyo 2015.

Hindi kumpleto ang cast ng "Kalyeserye" dahil wala si Alden Richards.
Dapat maunawaang exclusive contract star si Alden ng GMA Network, Inc. kaya hindi siya maaaring lumabas sa programa ng ibang mga television network.
Pareho ang kaso nina Alden at Rochelle Pangilinan.
Wala si Rochelle sa production number ng Sexbomb sa Eat Bulaga! dahil, gaya ni Alden, may kontrata siya sa GMA Network Inc. na nagbabawal sa kanyang mapanood sa ibang TV station.
May dance number sa Eat Bulaga! anniversary show si Atasha Muhlach.
Bihira nang mapanood si Atasha sa programa, lalo na ngayong abala siya sa musical play na Bongga Ka ‘Day: The Annie Batungbakal Musical, na itatanghal sa Newport Performing Arts Theater simula sa Setyembre 18, 2026.
