Naging emosyonal si Ruru Madrid nang balikan niya ang isa sa pinakamahalagang yugto sa buhay ng kanyang bunsong kapatid na si Rere Madrid — ang pagbubuntis nito at ang kalauna'y pagpapakasal sa basketball player na si Kai Sotto.
Sa panayam niya sa Fast Talk with Boy Abunda na napanood nitong Martes ng hapon, Agosto 4, 2026, ibinahagi ni Ruru ang kuwento kung paano niya hinarap ang sitwasyon bilang isang protective na kuya.
Nagpakasal sina Rere at Kai sa Alfonso, Cavite, noong Mayo 27, 2026

Inamin ni Ruru na hindi niya maipaliwanag ang naramdaman nang makitang masaya ang kanyang kapatid sa araw ng kasal nito.
“Hindi ko alam ang pakiramdam talaga," sambit niya.
"Pero nung tinitingnan ko yung kapatid ko na nakangiti, na masaya siya sa kung ano yung nangyayari na sine-celebrate namin yung wedding niya, iba rin pala yung saya nun bilang kuya na nakikita mo na yung kapatid mo ngayon na malaki na.
"Na meron na siyang bubuuin na pamilya, masarap sa puso.”
Read: Regine Velasquez talks about “retirement”; recalls hardships fulfilling her dreams
BIANCA UMALI HELPED PREPARE RURU
Bago pa man aminin ni Rere na buntis siya, ang kasintahan ni Ruru na si Bianca Umali ang unang nakaalam.
Hindi pa kasal noon sina Rere at Kai.
Ayon kay Ruru, si Bianca rin ang tumulong sa kanya para baguhin ang pananaw niya bilang kuya.
Lahad ng Kapuso actor: “Ikinuwento na lang sa akin ni Rere na natakot daw siya sa akin, siyempre bilang kuya.
“Dati kasi sobrang istrikto [ko] so parang kinakabahan siya na kapag sa akin niya sinabi, imbes na matuwa ako, magalit ako.
“Pero si Bianca po ang nag-guide sa akin from the very beginning.
"Prior to in-announce ni Rere na buntis siya or ikakasal na siya, si Bianca yung nagsabi sa akin na, 'Huwag maging mahigpit sa mga kapatid mo kasi kapag mahigpit ka sa kanila, hindi sila mag-o-open up sa yo.'
“From there, nagbago yung perspective ko sa kung papaano ko tinitingnan yung ganoon. Na kung papaano protektahan ang kapatid.”
Naalala rin ni Ruru ang gabing sinabi ni Bianca na may gustong ipagtapat sa kanya ang kanyang kapatid.
“Sabi lang niya, ‘Mahal, may gusto raw sabihin sa yo si Rere mamaya.’
“Galing ako ng trabaho, madaling-araw. Sabi ko, ‘Anong sasabihin niyan?’
“Nung una pa, iniisip ko, 'Teka, baka binubugbog ito ni Kai ah. Baka niloko, sinaktan.'
"Pero true story, habang nasa biyahe ako, nagmamaneho ako, tiningnan ko yung buwan, parang may ipinapahiwatig sa akin.
“And then from there, naramdaman ko na buntis si Rere.”
Pagdating niya sa bahay, ipinakita ni Rere ang pregnancy test result.
Hindi na raw siya nagulat.
Kuwento ni Ruru: “So, nung dumating ako sa bahay, biglang ipinakita sa akin ni Rere yung resulta na buntis siya, alam ko na.
“Sinabi ko sa kapatid ko na, ‘Alam mo, wala ka naman dapat ikatakot or wala ka dapat ilihim sa akin kasi sobrang masaya ako para sa yo. Susuportahan kita sa kahit na anong bagay.’”
Read: Ruru Madrid admits he was shocked by sister Rere's pregnancy
RURU ASKED KAI TO COME HOME
Matapos malaman ang balita, gusto ni Ruru na personal sabihin nina Rere at Kai ang lahat sa kanilang mga magulang.
Nasa Japan noon si Kai dahil sa kanyang basketball commitments, kaya si Ruru mismo ang tumawag dito.
Lahad ni Ruru: “Sa akin muna sinabi ni Rere bago sa magulang ko kasi bunso, e. Alam mo naman kapag bunso, sobrang protective ang lahat.
“So, nung sinabi sa akin ni Rere, ako na yung nagsabi sa kanya na, ‘Sige, Re, sasamahan kita kapag in-open mo ito kina Mama and Dada.’
“Sinabi ko rin sa kanya na better siguro... kasi during that time, si Kai nasa Japan pa.
“So sabi ko, 'Better siguro na kasama natin si Kai kapag in-announce natin sa magulang natin itong pangyayaring ito.'
“Tinawagan ko si Kai. Nag-usap kami for, like, four hours through phone.
"And sinabi ko sa kanya na, ‘Bro, better siguro na umuwi ka dito sa Pilipinas and sabihin mo kung ano talaga yung nangyari.’”
Hindi naman daw nag-atubili si Kai.
Sa kabila ng kanyang schedule sa Japan, agad itong umuwi para harapin ang pamilya ni Rere.
“Mula dun, sobrang nirespeto ko si Kai, kasi talagang ginawa niya kahit sobrang busy siya sa Japan. May games siya.
“Ang nangyari, umuwi lang siya para sabihin. And the next day, bumalik na siya ng Japan.
"So, na-appreciate ko po yung tao kasi hindi naman po lahat ng lalake, e, may ganoong tapang na harapin kung ano po yung sitwasyon.”
Read: Rere Madrid and Kai Sotto are now married
RURU: "MABUTING TAO PO SI KAI"
Ngayong magbayaw na sila, mas lalo raw nakilala ni Ruru ang tunay na ugali ng basketball star.
Saad niya: “Mabuting tao po si Kai. Dun pa lang sa ginawa niyang gesture na yon, nakita ko kung ano po yung pagkatao niya.
“Recently, nagkakaroon kami ng mga bonding. Minsan, nagdo-double date kami with Bianca.
“Si Kai, hindi siya yung tipo na ibang tao. Alam mo na kapag kuya, parang magpapakitang-gilas.
"Cool lang siya, sobrang cool. Actually, pareho sila ni Bianca ng personality.
“So, sabi ko, gusto ko itong taong ito kasi wala siyang gustong patunayan.”