Hindi naging hadlang ang malakas at maghapong buhos na ulan sa Metro Manila at sa maraming panig ng Luzon upang tangkilikin at suportahan pa rin ng manonood ang ilang palabas noong Sabado, Agosto 8, 2026.
Kabilang dito ang DustBia Love, Actually... concert at fan meet nina Dustin Yu at Bianca de Vera sa New Frontier Theater; ang Hotdog Tribute Concert sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila; at ang concert ng K-pop group na MAMAMOO sa Araneta Coliseum.
Hindi rin napigilan ng film enthusiasts sa pagsugod sa mga sinehang pinagpapalabasan ng Cinemalaya 2026 inependentt films.
Patuloy ring pinilahan sa mga sinehan ang Hollywood blockbuster na Spider-Man: Brand New Day.
Nagtawanan na lamang ang cinema audience nang sa gitna ng kanilang panonood, sabay-sabay tumunog ang mga mobile phone nila dahil sa weather alert messages mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Read: Kris Aquino returns to the screen as Netflix's new C.H.I.K.A.
FLOOD CONTROL PROJECTS ANOMALY REVISITED
Sa kabilang banda, kinansela ng Philippine Basketball Association (PBA) ang basketball game na idaraos sa Ninoy Aquino Stadium, Maynila, ngayong Linggo, Agosto 9, dahil pa rin sa masungit na panahon na resulta ng habagat.
Ang malakas na buhos ng ulan na nagdulot ng malawak na pagbaha mula noong Sabado hanggang ngayong Linggo, Agosto 9, ang muling nagpaalaala sa mga Pilipino ng anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Maraming lugar ang lumubog sa tubig-baha, tulad sa ilang mga barangay sa Parañaque City na lampas-tao ang lalim kaya nagsilikas ang mga naperhuwisyong residente mula sa kanilang mga tahanan.
Noong Sabado, gumuho ang perimeter wall sa Forbes Park sa EDSA northbound dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na nagresulta sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Iimbestigahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung government o private project ang pader na nawasak.
Nakataas na ang ikalawang alarma sa Marikina River dahil umabot na sa labing-anim na metro ang taas nito, bandang alas-onse ng umaga ngayong Linggo.
Pinayuhan ang mga residente sa mga lugar na mababa na lumikas at lumipat sa mga evacuation center.
Ang kahabag-habag na kalagayan ng mga Pilipinong biktima ng malakas na ulan at malawak na pagbaha ang ugat kaya lalong umigting ang panawagan ng mga naghihimagsik ang kalooban na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa flood control anomalies at parusahan ang mga dapat managot at nagnakaw sa kaban ng bayan.
Read: Vice Ganda signs new ABS-CBN contract, teases GMA-7 project