Ang gumawa ng documentary tungkol sa malawak na pagbaha sa bayan nila sa Macabebe, Pampanga, ang isa sa mga plano ng aktor na si Aljon Mendoza.
Ito ay matapos niyang makumpleto ang kanyang kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing, sa Philippine Women’s University noong nakaraang buwan.
Masidhi ang hangarin ni Aljon na mabuo ang kanyang binabalak na documentary para raw makita ng lahat ang mga hamon at pagdurusa na araw-araw dinaranas ng mga kababayan niya dahil sa hindi malutas na problema sa baha sa Macabebe.
Dahil sa ilang araw na pag-ulan na epekto ng habagat, nararanasan ngayon ng mga residente ng Macabebe ang pinakamataas at malawak na pagbaha.
Panawagan ni Aljon sa mga kinauukulan: “Sana maawa kayo. Sana may gawin kayo kasi maraming humihingi ng tulong and yet, wala pa rin nangyayari, bilang concerned citizen lang naman ako.
“Para dapat bare minimum na yung relief goods. Kasi kung sinasabi nilang ito na yung normal, dapat, at least, meron tayong pondo para sa mga ganitong situation.”
Handa raw si Aljon na maging boses ng kanyang mga kababayan, gamit ang impluwensiya niya bilang artista.
“Gagawin ko kung ano yung sa tingin ko na makakaya kong magawa, tulad sa social media. Hangga’t kaya mag-speak up.
“Sa amin, marami ang nag-i-speak up pero hindi pa rin sila naririnig.
"Maybe sa mga tao na, at least, kahit papaano may platform sa social media, makiisa tayo kasi karapatan natin yon."
Ayon pa kay Aljon: “Gumawa po ako three years ago ng docu-vlog. Ipinakita ko yung buhay ko sa Pampanga.
"Ipinakita ko yung buhay ng mga kapitbahay ko. Kung ano ang nangyayari sa amin tuwing binabaha.
“Natuwa ako dahil may nabasa akong mga comment na, 'Salamat sa pagiging boses.'
"Tulad nga po ng sinasabi ko, kung hanggang saan ang kaya kong gawin, gagawin ko talaga.
“Naaawa talaga ako sa mga nakatira doon, lalung-lalo na sa pamilya ko, kasi kapag nagbi-video call kami, ipinapakita nila yung baha.
“Sa bahay namin, itinaas na yung mga gamit. Yung isang kuwarto, nalooban na rin ng tubig.
"Sa gate namin, hanggang dibdib, sa loob [ng bahay] hanggang tuhod.
“Yung buong Macabebe po, halos wala nang makita na daan, tubig na lang.”
Read: Aljon Mendoza raises alarm over worsening flooding in Macabebe
ALJON MENDOZA PREVENTED FROM VISITING HIS FAMILY IN MACABEBE
Hindi natuloy ang balak ni Aljon na pagbabakasyon sa Macabebe dahil sa baha.
Saad niya: “Dapat uuwi ako para magbakasyon ng ilang araw.
"Pero since nung habagat, sobrang laki po ng pagtaas ng baha. Hindi na ako nakauwi sa amin.
“In-advise din ako ng parents ko na huwag munang umuwi kasi mahirap din ang biyahe papunta sa amin.”
May guilt na nararamdaman si Aljon dahil hindi binabaha ang lugar na kinaroroonan ng condominium building na tinitirhan niya sa Quezon City, samantalang lubog sa baha ang tahanan ng kanyang mga magulang at kapatid sa Macabebe.
“Yes,” ang nakokonsyensyang pag-amin ni Aljon.
“Kaya araw-araw ko silang bini-video call. Tsine-check ko kung kumusta sila.
"Nakaka-guilty kasi sabi ko.’Baka magka-alipunga na kayo diyan.’”
ALJON MENDOZA ON GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS
Naniniwala si Aljon na may kinalaman ang ghost flood control projects sa tila hindi na nagkaroon ng solusyong problema ng pagbaha sa Macabebe at mga karatig-bayan nito.
Aniya: “Actually, marami akong nakikitang nagpo-post sa social media about their frustrations sa nangyayari.
"Alam naman namin na natural [calamity] ang bagyo, pero that’s why may pondo tayo, di ba? Para ma-handle natin yung mga ganitong situation.
"Nababalita naman na nago-ghost project sila.
“Sa tingin ko, personally, I don’t know everything, pero one thing I’m sure, may problema po talaga sa pondo, sa korapsyon.
“For me, pondo, meron naman talaga pero nabubulsa."
Paalala pa ni Aljon: "May kapangyarihan tayong bumoto. Tayo rin ang nagluluklok sa mga nagsisilbi sana.
"Moving forward, itong mga nanunungkulan na nakikita nating walang ginagawa, huwag na nating iboto sa susunod.
"Huwag na nating bigyan ng iba pang pagkakataon."
Read: Local beauty queen Alexis Ann Ramos, 25, dies in road accident