Inalis ang video ng eksklusibong panayam ni Julius Babao kay Jeremiah Rosales sa Unplugged YouTube channel ng veteran broadcaster.
Nakumpirma ito nang makipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Julius ngayong Huwebes, Agosto 13, 2026.
Si Jeremiah ang nakababatang kapatid ng aktor na si Jericho Rosales.
Naiulat na nawawala si Jeremiah noong Hunyo 21, 2026 dahil ayaw niyang muling ipasok siya sa rehabilitation center.
Noong Hunyo 26, natukoy ng pamilya ni Jeremiah na nagtago siya sa bayan nila sa Bicol.
Ayon ito sa mismong karelasyon niyang si Jhen Go.
Read: Jericho Rosales' brother Jeremiah found after five days in hiding
JULIUS BABAO INTERVIEW WITH JEREMIAH ROSALES TAKEN DOWN
Sa panayam sa kanya ni Julius noong Agosto 7, 2026, ikinuwento ni Jeremiah na nagtrabaho siya sa Bicol bilang construction worker.
Bumalik na rin daw siya sa tahanan nila sa Antipolo City na pag-aari ni Jericho at nangakong magbabagong-buhay.
Pero makalipas ang ilang araw, nawala ang video ng panayam ni Julius kay Jeremiah.
Sa mensaheng kusang ipinadala ni Jhen Go sa Cabinet Files noong Linggo, Agosto 9, sinabi niya ang dahilan ng pagkawala ng video.
Saad ni Jhen: “Burado na po pala yung interview ni Jeremiah sa YT ni Sir Julius. Pina-take down po ni Kuya Jericho.
“House po, ayaw ipakita [sa public] saka po hindi po niya nagustuhan yung sinabi ni Jeremiah na nag-construction siya.
“Nakatanggap po siya [Julius] ng demand letter from Kuya’s [Jericho] atty."
Hiningi ng Cabinet Files ang reaksiyon ni Julius tungkol sa isyu ng pagbura sa panayam niya kay Jeremiah.
Kinumpirma ng veteran broadcaster na hiniling ng kampo ni Jericho na tanggalin ang video.
Pahayag ni Julius sa Cabinet Files: “Hiniling po ng kampo ni Jericho Rosales na tanggalin na lang ang vlog habang inaayos ni Jeremiah ang kanyang buhay at ang kanyang kalusugan.
“Nauunawaan ko ito dahil alam ko na si Jericho ang mas may alam kung ano ang makabubuti para sa kanyang kapatid at sa overall health nito.”
Nilinaw ring mabuti ni Julius na sina Jeremiah at Jhen ang nag-imbita sa kanyang gawin ang panayam sa bahay ni Jericho.
Saad niya: “Nais ko lang linawin na ako po ay inimbitahan ni Jeremiah at ng kanyang partner na si Jhen Go para gawin ang vlog interview sa kanilang tinitirahang bahay dahil sa pagnanais niyang makabalik muli sa industriya ng showbiz at maibigay ang kanyang panig sa mga balitang lumabas noon tungkol sa kanya.”
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng mga nabanggit sa artikulong ito.
Read: Jeremiah Rosales' wife Jhen admits affair during his rehab stay